LUNGSOD NG MALOLOS — Kinilala kamakailan ng pamahalaang panlalawigan ang may 155 malilinis na barangay sa Bulacan sa isinagawang Manila Bay-anihan cum 2017 Gawad Parangal Kalinisan at Kaayusan ng Kapaligiran sa Barangay Awarding Ceremony.
Ayon kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado, makabuluhan ang kontribusyon ng bawat barangay sa pagtataguyod ng isang malinis na kapaligiran na pamana sa susunod na henerasyon.
Base sa nakuhang tala mula sa Provincial Administrator’s Office, 95 barangay ang nakakuha ng unang pwesto at tumanggap ng tig-20,000 piso habang 40 barangay naman sa ikalawang puwesto at may tig-15,000 piso. 20 barangay ang pumangatlong puwesto at tumanggap ng tig-10 libong piso.
Pinili ang mga nagwagi batay sa malinis na kalsada at sidewalk (15 porsyento); malinis na kanal at kailugan (15 porsyento); maayos at epektibong koleksyon at pamamahala ng basura (20 porsyento); walang nakasabit na mga eyesore gaya ng lumang streamers at construction debris (15 porsyento); mayroong taniman ng mga puno, bakawan at gulayan (15 porsyento); at mayroong maayos na bahay pamahalaan na may sistematikong pamamaraan ng pag-aayos ng datos at tala (20 porsyento).
Ang bayan ng Marilao ang may pinakaraming malinis na barangay umabot sa 16. (CLJD/VFC-PIA 3)Vinson F. Concepcion