Bulacan may dalawang community fireworks display areas sa pagsalubong sa Bagong Taon

LUNGSOD NG MALOLOS — Mayroong dalawang community fireworks display areas ang Bulacan sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Una na ang pagkumpirma ni Malolos City Mayor Christian Natividad sa open area ng Malolos City Sports and Convention Center sa Barangay Bulihan upang pagdausan ng fireworks display.

Gayundin ang paglalaan ng Bayan ng Pulilan ng isang open space area ng kanilang water district sa Barangay Cutcot.

Ang nasabing pagtalima ng dalawang local government units ng Bulacan ay bilang pagtugon sa Executive Order No. 28 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte nitong Hunyo na maglaan ng isang common fireworks display area.

Ayon naman kay Jeremiah Caguingin ng Provincial Cooperative Economic and Development Office, nagpadala na ang kanilang tanggapan ng kahilingan sa lahat ng bayan at lungsod sa lalawigan upang mag-identify ng kani-kanilang community fireworks display areas. (CLJD/VFC-PIA 3) Vinson F. Concepcion