LUNGSOD NG MALOLOS — Nagdaos ng Provincial Forum on Dengvaxia-related Surveillance and Response sa Bulacan na dinaluhan ng mga opisyal ng mga paaralan na may mga batang naturukan ng naturang bakuna.
Dito sinabi ni Department of Health Infectious Disease Division Cluster Head Dr. Cindy Canlas sa mga dumalong guro at nars na basta naturukan ng bakunang Dengvaxia, nilalagnat man o hindi, dapat dalhin na sa alinmang pampublikong ospital para libreng magamot o mabigyan ng pre-emptive na gamot.
Sa Bulacan, umabot sa 54,882 na mga bata ang naitalang binigyang ng bakunang Dengvaxia.
Sila ay pawang mga nasa siyam na taong gulang na nasa Grade 4 sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan.
Nasa 83 porsyento ito ng target na 63,985 mga batang nakatakda pa sanang mabakunahan.
Pagdating ng Oktubre 2016, muli na namang tinurukan ang may 45,654 ng second dose habang nitong Abril 2017 ay 41,019 sa kanila ang nakabuo ng tatlong rekomendadong turok.
Inilunsad ng DOH ang school-based immunization program na ito noong Abril 2016 sa utos ni noo’y Pangulong Benigno S. Aquino III.
Samantala, nagbigay naman ng direktiba Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado sa mga Barangay Health Workers, Mother Leaders at Lingkod Lingap sa Nayon na puntahan ang mga batang naturukan ng Dengvaxia at obligahin ang mga magulang na dalhin na ito sa mga pampublikong ospital upang hindi mahuli ang lahat na maisalba ang buhay ng mga ito. (CLJD/SFV-PIA 3) Shane F. Velasco