LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Ipinamalas kamakailan ng pamahalaang lungsod ng San Fernando, sa pamamagitan ng Tourism Office nito, ang talento at kagalingan ng mga Fernandino sa pamamagitan ng isang eksibit.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month at ika-17 taong pagka-syudad ng San Fernando, idinisplay sa makasaysayang Train Station ang mga obra at pinta ng mga lokal na artistang tulad nina Edwin Dayrit, Don De Dios at Alvaro Jimenez.
Sa paglulunsad ng nasabing eksibit, sinabi ni Kaganapan 2018 Committee Chair Jun Pineda na hindi maaring itanggi na likas sa bawat Fernandino ang kahusayan sa sining, na pinatutunayan ng mga higanteng parol kung saan kilala ang lungsod.
Aniya, mahalagang bahagi ng artistikong pamumuhay ng lungsod ang mga ganitong gawain upang hikayatin ang marami na mas linangin ang kanilang pagiging malikhain at upang suportahan ang ating lokal na sining.
Binigyang-diin naman ni Mayor Edwin Santiago ang sining bilang isang mahalagang tulay na nag-uugnay sa nakaraan at hinaharap ng lungsod.
Hinamon din ni Santiago ang bawat Fernandino an panatilin ang pagka-syudad na dala-dala ang kagalingan sa sining at ipagmalaki ang kasaysayan ng San Fernando na siyang sentro ng kulturang Kapampangan.
Dagdag pa niya, bukod sa mga ganitong eksibit, patuloy na itinataguyod ng lungsod ang sining at kultura sa pamamagitan ng edukasyon.
Sa ngalan naman ng kanyang mga kapwa artista, pinasalamatan ni Edwin Dayrit ang pamahalaang lungsod para sa pagkakataong ipakita at ibahagi ang kanilang mga talento sa iba.
Paglalahad ni Dayrit, lbhang mahalaga ang papel na ginampanan ng sining upang makapagtapos ng pag-aaral at patuloy na magsikap sa kanyang larangan sa kabila ng kanyang kapansanan. (CLJD/MJLS-PIA)