LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy na ipinaaalala ng Commission on Elections o COMELEC sa mga tatakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na sumunod sa mga panuntunang gawing mapayapa at maayos ang naturang eleksyon.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Panfilo Doctor, mandato ng tanggapan at mga katuwang na ahensya ng gobyerno na masegurong magiging mapayapa ang idaraos na halalan sa Mayo 14.
Gayunpaman aniya ang buong kaayusan ng eleksyon ay mananatiling nakasalalay sa mga kakandidato na tutupad ng kanilang mga sinumpaang salaysay na lubusang tatalima sa mga umiiral na batas sa bansa at bibigyang halaga ang pasya ng taumbayan sa iluluklok na mga bagong opisyal sa kani-kaniyang komunidad.
Ang mahigpit pang tagubilin ni Doctor, hintayin ang mga itinakdang petsa na maaari nang makapagkampanya dahiil ang sinumang mapatutunayang lumabag rito ay mawawalan ng karapatang maluklok sa pwesto.
Kaniyang paglilinaw, ang anumang uri ng pagpapakilala bilang kandidato kahit pa ang paggamit ng social media ay mahigpit na ipinagbabawal hangga’t hindi pa panahon ng kampanyahan.
Ayon sa iskedyul ng COMELEC, ang campaign period ay magsisimula ng Mayo 4 na magtatagal lamang hanggang Mayo 12.
Ipinahayag din ni Doctor na sa oras na matapos ang halalan ay huwag kakaligtaang magsumite ng Statement of Contributions and Expenditures o listahan ng mga nagastos sa pangangampanya.