Kampanya laban sa droga pina-igting sa Bulacan

Pinag-ibayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Administrator’s Office kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police ang kanilang kampanya laban sa droga kaisa ang pamahalaang nasyonal sa hangaring tuluyang masupil ang iligal na droga sa Pilipinas.

Ang mga nabanggit na ahensiya ay nagsanib puwersa upang hikayatin ang mga opisyales ng barangay na paigtingin ang kampanya kontra iligal na droga gayundin sa mga gawaing may kaugnayan dito sa ginanap na “Barangay Dialogue” kamakailan sa The Pavilion Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod ng Malolos.

Ang naturang dialogue ay kinabibilangan ng mga pinuno ng barangay, kagawad, kalihim, at iba pa mula sa 569 barangay sa lalawigan kung saan umapela si Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado sa mga dumalo na makipagtulungan sa pamahalaan upang masugpo ang problema sa iligal na droga at tumutok sa tunay na isyu upang maresolba ito ng tama at patas.

“Dapat ay naka-focus po tayo sa katotohanan dahil the truth will set us free. Ang ating bansa noon pa man ay problema ang kahirapan, subalit ito po ay nag-ugat na sa kriminalidad, graft and corruption at nag-ugat sa droga. Alam po natin na sa ating mga barangay, gusto man natin o hindi, ay infiltrated po tayo sa droga,” ani Alvarado.

Tiniyak din ng punong lalawigan sa mga dumalo ang kanyang buong suporta basta’t handa silang makiisa upang gawing ligtas na tirahan ng mga mamamayan ang kani-kanilang komunidad.

Pagkatapos ng dayalogo, nagkaloob ng mga sertipiko ng Drug Cleared Barangay sa pitong barangay ng San Rafael, Bulacan kabilang ang mga Barangay Paco, Maasim, Pasong Bangkal, Banca-banca, Dagat-dagatan, Pinac-pinacan at Diliman II habang nauna nang pinagkalooban ng nasabing sertipiko ang Brgy. Magmarale ng San Miguel, Bulacan.

Ipinagkaloob ang nasabing sertipiko base sa mga sumusunod na batayan na itinakda ng PDEA: walang ng suplay ng droga; walang pagtutulak o pagbibiyahe ng droga; walang lihim na laboratoryo ng droga; walang lihim na drug warehouse; walang lihim na chemical warehouse; walang lugar para sa marijuana cultivation; walang drug den, dive o resort; walang nagtutulak ng droga; walang gumagamit ng droga; walang protektor o pinanser; aktibong paglahok ng SK upang matulungang mamintina ang drug liberated status ng barangay; aktibong paglahok ng mga opisyal ng barangay laban sa droga; pagiging mulat at pagkakaroon ng kaalaman at impormasyon hinggil dito; at pagkakaroon ng boluntaryo at compulsory na drug treatment at rehabilitation processing desk.

Ayon pa kay Alvarado, maaari ding mabigyan ng clearance ang iba pang natitirang mga barangay kung magsusumikap sila at magiging mapagmatyag sa pagpapaigting at pagpapatupad ng mga programa at adbokasiya laban sa iligal na droga.

Samantala, umapela si Regional Director Atty. Gil T. Pabilona ng PDEA Regional Office 3 sa mga lokal na opisyal ng gobyerno at iba pang lingkod bayan para sa kanilang aktibong partisipasyon sa kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga gawaing may kinalaman dito at mga kahina-hinalang personalidad at pasilidad sa komunidad. Aniya, makaaasa ang sinumang magsusuplong sa mga ito na hindi matutukoy ang kanilang pagkakakilanlan. Tinalakay din niya ang paksa hinggil sa Drug Clearing.

Gayundin, dumalo si Herminio “Bobbit” Diño mula sa Office of the Undersecretary for Barangay Affairs bilang kinatawan ni DILG Undersecretary Martin Diño bilang panauhing pandangal kung saan nagbigay ito ng makabuluhang mensahe hinggil sa mahalagang bahagi ng mga magulang at opisyal ng barangay sa pagsugpo sa iligal na droga sa mga komunidad. –ELOISA SILVERIO

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews