FORT RAMON MAGYSAYSAY, Nueva Ecija — Opisyal nang pinasimulan kahapon sa kampo ang Balikatan Exercises sa pagitan ng mga kasundaluhan ng bansa at Amerika.
Sa kanyang mensahe ay ipinahayag ni Philippine Army- 7th Infantry Division Commander Major General Felimon Santos Jr. ang kahalagahan ng taunang aktibidad sa pagpapalago ng kakayahan at pwersa ng magkabilang hukbo.
Kabilang aniya sa mga tututukang programa ngayong Balikatan ay ang mga kasalukuyang kinahaharap ng dalawang bansa partikular ang may kaugnayan sa pagpapalakas ng depensa, pagtulong sa kapwa, pagresponde sa oras ng kalamidad at paglaban sa terorismo.
Ipinahayag din ni Santos ang benepisyo sa pagkakaroon ng matibay na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad at katatagan ng bansang nasasakupan.
12 araw na matutunghayan ang kabi-kabilang aktibidad sa iba’t ibang dako ng bansa na magtatagal hanggang sa Mayo 18.
Nakapaloob rito ang donasyon at pagpapatayo ng dalawang classroom building sa Cabu Elementary School sa Nueva Ecija na bahagi ng humanitarian civic action activities ng Balikatan Exercises na inilunsad din sa mga lalawigan ng Tarlac, Cagayan at Isabela.
Taong 1998 nang magkaroon ng kasunduan ang dalawang bansa sa pagbisita ng mga kasundaluhang banyaga na naging panimula sa taunang pagpapalitan ng kaalama’t kasanayan sa pakikidigma.