LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — May kabuuang 4,397 aplikante ang mga near-hires sa mga idinaos na Labor Day Job and Business Fairs sa Gitnang Luzon ngayong taon.
Paliwanag ni Department of Labor and Employment o DOLE Regional Director Zenaida Angara-Campita, ang mga near-hires ay yung mga aplikante na tanggap na sa trabaho pero kailangan pang magsumite ng mga karagdagang dokumento o yung may mga kulang na requirements.
May temang “Pagpupugay sa Manggagawang Pilipino: Dangal ng lahi, kabalikat sa progresibong pagbabago!,” sabayang isinagawa ang mga Job and Business Fairs nitong Mayo Uno sa Robinsons Starmills sa Pampanga; Nicanor V. Guillermo Convention Center sa Marilao, Bulacan; at Rizal Triangle sa lungsod ng Olongapo.
Mayroon din sa Sentro Baler Dr. Juan C. Angara Memorial Hall sa Aurora, Cabanatuan City Hall Grounds sa Nueva Ecija, at Bulwagan ng mga Gobernador sa Provincial Capitol, lungsod ng Tarlac. May kahalintulad na aktibidad rin na ginawa noong Mayo 2 sa Bataan People’s Center.
Pinagtibay ng mga naturang Regional Job and Business Fairs ang konsepto ng Trabaho, Negosyo, Kabuhayan o TNK ng DOLE at Department of Trade and Industry.
Layunin ng TNK na lumikha at makapagbigay ng trabaho base sa Key Employment Generators na partikular sa pagmamanupaktura, agrikultura, konstruksyon, turismo, IT-BPM, transportasyon at logistik, at kalakalan.