LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Produkto ng mahusay na pagpaplano ang maayos at payapang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections sa Gitnang Luzon.
Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni Commission on Elections o COMELEC Regional Director Temie Lambino na lahat ng mga aksyon ng komisyon, Philippine National Police o PNP at Armed Forces of the Philippines o AFP ay naka-synchronize.
Aniya, 100 porsyentong naisagawa ng kapulisan at kasundaluhan ang binuo nilang plano.
Dagdag pa niya, mahigit 300 na mga pulong, seminar at kumperensya ang isinagawa para sa paghahanda ng planong pang-seguridad at pagdeploy ng mga unipormadong hanay sa panahon ng halalan.
Alam din aniya ng grupo ang mga lugar na nangangailangan ng karagdagang seguridad o presensya ng mga pulis at sundalo.
Samantala, sinabi naman ni Police Regional Director PCSupt. Amador Corpus na ang pangkalahatang paghahanda ng seguridad sa rehiyon ay matagumpay dahil walang insidente ng karahasan kaugnay ng eleksyon na naitala sa aktwal na botohan at bilangan.
Paliwanag niya, maari itong iugnay sa sapat na presensya ng pulisya at sa pagpapadala ng quick response teams ng AFPkung kinakailangan.
Dagdag pa ni Corpus, bilang bahagi ng kanilang plano ay inatasan niya ang lahat ng kanyang nasasakupang yunit na siguruhin ang seguridad lalo na sa mga checkpoint hanggang ang lahat ng mga election-accountable forms ay makarating sa tamang destinasyon.
Ayon sa direktor, inutusan din niya ang mga hepe ng bawat probinsya na kausapin ang mga alkalde at gobernador na huwag ng makialam pa sa halalan ng barangay upang maiwasan ang mas mainit na pulitika, lalo na sa mga lugar na itinuturing nilang hotspots.
Dahil dito, sinabi ni Lambino na dapat maging pamantayan ng buong bansa ang Gitnang Luzon sa pagsasagawa ng isang mapayapa at maayos na halalan. (PIA 3)