Museo ni Mariano Ponce, itatayo sa Baliwag

LUNGSOD NG MALOLOS — Ginunita ng mga Bulakenyo ang ika-100 taong anibersaryo ng kamatayan ni Mariano C. Ponce sa pamamagitan ng paglulunsad sa itatayong museo sa kanyang karangalan.

Ayon kay National Historical Commission of the Philippines o NHCP Executive Director Ludivico Badoy, nakatakda itong itayo sa lupang dating tinindigan ng bahay ni Ponce sa barangay Tibag sa Baliwag.

Sa ngayon, wala na ang naturang bahay dahil nasunog at tanging panandang pangkasaysayan na lamang ang nakatindig na nagsasaad kung sino ang tumira doon.

Nagkakahalaga ng 20 milyong piso ang naturang proyekto kung saan 15 milyong piso ang ilalaan sa konstruksyon ng istraktura habang 5 milyong piso ang para sa kuratoryal.

Sa kuratoryal ay sistematikong idinedetalye ng isang museo ang isang kasaysayan ng bayani, pook o anumang mahalagang pangyayari.

Itatampok sa magiging museo ang pagkakaroon niya ng malaking papel sa mga sulatin ni Jose P. Rizal at pagtatatag ng La Solidaridad, sa pamamagitan ng paglalaan ng sariling pera upang tustusan ang mga pag-iimprenta.

Ipapaliwanag din kung paano niya binuksan ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Japan at mga naging ambag niya bilang assemblyman ng Bulacan sa Philippine Assembly ng 1907.

Target ng NHCP na matapos at buksan sa publiko ang museo sa susunod na taon.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews