HERMOSA, Bataan – Umaabot sa 508 beneficiaries ang inisyal na nabiyayaan nitong Hueves ng umaga ng mga housing units ng National Housing Authority o NHA sa Brgy. Mabuco, Hermosa, Bataan.
Pinangunahan ni Hermosa Mayor Jopet Inton, Municipal Administrator Ariel Inton at NHA OIC Director for Pampanga, Bataan and Zambales area, Ines Gonzales, ang pamamahagi ng Katibayan ng Alokasyong Pabahay para pormal na makalipat na ang mga benepisyaryo at personal na nilang marenovate ang dating mga nakatiwangwang na mga housing units.
Ayon pa kay Inton, nitong nagdaang Disyembre ay kinausap niya ang pamunuan ng NHA para maipamahagi ang mga bakanteng bahay dito na mahigit isanlibong units sa mga qualified beneficiaries.
Layon ng panukala ni Mayor Inton na maiwasan na mapasok ng mga agaw lupa syndicates kagaya ng ginawa ng grupong Kadamay sa mga NHA housing units sa ibang mga lalawigan, kaya’t nagtalaga siya ng mga guwardiya sa lugar habang hindi pa naipapamahagi ang mga housing units.
Ang naturang programa ay kauna unahang programa na naisagawa ng isang local government unit o LGU sa bansa sa pakikipagtulungan sa NHA para mapakinabangan lalo na ng mga mahihirap na walang sariling bahay.
Kasama din sa mga nakinabang sa proyekto ang ilang mga uniformed personnel mula sa PNP at Bureau of Fire Protection.