NNC 3, inaanyayahang ang mga tanggapan ng pamahalaang lumahok sa food garden contest

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga – Inaanyayahan ng National Nutrition Council o NNC ang mga tanggapan ng pamahalaan na lumahok sa kauna-unahan nitong food garden contest.

Pangunahing layunin ng paligsahang ito na tinatawag na “Gulayan sa Aming Tanggapan” na hikayatin ang mga kawani ng pamahalaan at ang publiko na magtanim at palaganapin ang mga food gardens sa kani-kanilang mga opisina.

Isa ito sa mga tampok na aktibidad ng Gitnang Luzon sa pagdiriwang ng ika-44 Buwan ng Nutrisyon na may temang “Ugaliing magtanim , Sapat na Nutrisyon Aanihin”.

Bukas ang paligsahan sa lahat ng ahensyang miyembro ng Regional Nutrition Committee o RNC, maging sa mga tanggapan ng pamahalaan na nasa loob ng Regional Government Center.

Isang grupo ng anim hanggang 10 kawani sa bawat tanggapan o ahensya ang dapat magtatag at mag-alaga ng nasabing food garden, at ililista ang kanilang mga pangalan kalakip ang pag-endorso ng kanilang direktor o division chief sa entry form.

Kailangan din na may kasamang larawan ng espesipikong espasyo na may sukat na 2×10 metro kwadrado ang isusumiteng entry form.

Dapat ding i-like at i-share ng grupo ang NNC Facebook fan page at hikayatin ang sampu pa nilang mga ka-opisina na gawin ito.

Bibigyan ang mga kwalipikadong entry ng isang set ng mga kagamitan tulad ng grub hoe, pala at punla ng iba’t ibang mga gulay. Gayunman, maaari ring magtanim ng mga kalahok ng kombinasyon ng gulay na pang pinakbet, sinigang at tinola.

Ang mga food garden ay susuriin base sa mga sumusunod na batayan: climate smart – 25%; crop combination and/or variety—50%; landscape design –10 %; at overall impact – 15%.

Ang grand winner ay makatatanggap ng PhP10,000; ikalawang pwesto- PhP7,000 at; ikatlong pwesto- PhP5,000.

Maaaring i-download ang mga entry form sa website ng NNC 3 o sa Facebook page na www.nnc.gov.ph/regional- offices/region-iii-central- luzon.

Tatakbo ang paligsahan mula Hulyo 9 hanggang Agosto 20, at iaanunsyo ang mga mananalo sa Regional Nutrition Awarding Ceremony sa Agosto 24.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews