7ID, binigyang kilala ang mga stakeholders

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Binigyang pagkilala ng Army 7th Infantry Division o 7ID, sa okasyon ng ika-30 anibersaryo nito, ang mga katuwang na indibidwal at ahensya na patuloy ang suporta sa mga gampanin ng hukbo.

Ayon kay 7ID Commander Major General Felimon Santos Jr., ito ay bilang pasasalamat ng tanggapan sa mga suportang natatanggap upang mapabuti ang mga serbisyong inihahatid ng mga kasundaluhan.

Kabilang sa mga kinilala sina Guimba Municipal Mayor Jose Dizon, Little Heroes Foundation Coordinator Amy Tañedo, at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas-Nueva Ecija Chairperson Joy Dominado.

Gayundin ang mga tagapamuno ng Department of Environment and Natural Resources sa rehiyon sa pangunguna ni Director Paquito Moreno, Jr., Assistant Regional Director Arthur Salazar, Survey and Mapping Division Chief Juan Fernandez, Jr., gayundin ang mga miyembro ng 7ID Multi-Sector Advisory Board na sina Jimmy Tan at Devin Carl Sagun.

Maliban rito ay isinagawa din ng 7ID ang iba’t ibang mga patimpalak bilang tampok sa pagdaraos ng anibersaryo ng dibisyon na layong mapatatag ang ugnayan at pagkakaisa ng mga kasundaluhan.

Sila ay nagpagalingan sa mga fun games tulad ng sack at centipede race relay, sprint relay, at tug of war.
Ipinakita din ng mga kasundaluhan ang kanilang husay at kasanayan sa pagsagip ng buhay sa Disaster Rescue and Relief Operation Challenge na pinagwagian ng 48thInfantry Battalion.

Nagkaroon din ng pagkakataong lumahok ang mga sibilyan sa idinaos na Fun Bike na umabot sa 37 kilometrong layo ang inikot mula at pabalik ng kampo sa lungsod ng Palayan na dumaan sa Sta. Rosa, Peñaranda, hanggang lungsod ng Gapan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews