LUNGSOD NG MALOLOS — Naipabasa sa kauna-unahang pagkakataon ang mismong sulat-kamay na liham ni Andres Bonifacio para sa mga taga-Bulacan, sa ginanap na panayam sa mga mag-aaral ng Turismo na kumukuha ng asignaturang Readings in Philippine History sa Bulacan State University.
Pinamagatang “Ang Sulat ni Bonifacio sa Bulacan” inilahad ng bumibisitang historyador na si Propesor Crisanto Cortez ng Cavite State University, kaugnay ng pambansang pagdiriwang sa Ika-155 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng Supremo.
Sa nasabing sulat-kamay ni Bonifacio, nilalaman nito ang kanyang kautusan sa Bulacan noong panahon ng rebolusyon.
Ipinaliwanag ng historyador na nakakapaglabas ng utos si Bonifacio sa kanyang posisyon bilang Supremo ng Haring Bayang Katagalugan.
Katumbas ito ng isang pamahalaan na may pinuno at pinamumunuan sa konteksto ng KKK o Kagalang-galangan, Kataasan-taasan, Katipunan ng mga anak ng bayan.
Binigyang diin pa ni Propesor Cortez na ang sulat na ito ni Bonifacio sa Bulacan ay katumbas ito ng Letter of Instructions na inilalabas ng Pangulo ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon.
Kinukumpirma rin aniya sa nasabing sulat kung gaano kahusay ang taktika ng Supremo bilang pinunong mandirigma.
Ito’y sa pamamagitan na hindi niya isinusubo nang malakihan ang kanyang mga kawal kundi nilalansag niya sa iba’t ibang dako upang masukol ang kalaban.
Kaugnay nito, bukod sa sulat ni Bonifacio kaugnay ng kanyang utos na bantayan ang ferrocaril o riles ng tren sa Malolos laban sa mga Kastila, tinawag din ng Supremo ang pinamumunuan niyang Haring Bayang Katagalugan bilang Republika ng Katagalugan, na dito rin sa Malolos unang ipinakilala, hanggang sa maisapormal ito noong Enero 23, 1899 sa simbahan ng Barasoain sa bisa ng Kongreso ng Malolos. (CLJD/SFV-PIA 3)