PORAC, Pampanga — Nanawagan ang Department of Finance o DOF sa publiko na paigtingin ang pagbabantay laban sa iligal na pagmamanupaktura at pagbebenta ng sigarilyo.
Sa kanyang mensahe sa pagwasak ng mga makina at materyales sa paggawa ng pekeng sigarilyo sa Porac, sinabi ni DOF Secretary Carlos Dominguez III na alam ng pamahalaan na marami ang iiwas sa pagbabayad ng buwis dahil sa pagtaas ng sin tax, kaya kailangang palakasin ang pagbabantay sa mga ito.
Batay sa ulat, sinabi niyang ang isang makina sa paggawa ng sigarilyo ay nakagagawa ng 20,000 sticks kada minuto na katumbas ng humigit-kumulang 9.6 milyong sticks sa loob ng walong oras o 480,000 pakete kada araw.
Ayon kay Dominguez, sa kasalukuyang excise tax rate na 35 piso bawat pakete, epektibong mahaharang ang tangkang panloloko sa pamahalaan na aabot ng 16.8 milyong piso kada araw, na kailangan para sa programang pangimprastraktura at puhunan para sa human capital.
Idinagdag din niyang matapos nilang mahuli ang Mighty Corporation noong 2017 at mapasakamay ng Japan Tobacco, nadagdagan ng hindi bababa sa 2 bilyong piso ang nakokolekta nilang buwis sa kumpanya mula sa parehong dami ng produksyon.
Ayon pa sa kalihim, bukod sa pag-iwas sa excise tax, inilalantad din ng mga iligal na nagmamanupaktura ng sigarilyo ang mga mamimili sa mga dagdag na panganib na dulot ng unregulated products.
Dahil dito tiniyak niya sa publiko patuloy na magsisikap ang mga revenue-generating agencies tulad ng DOF at Bureau of Internal Revenue na pigilan ang iligal na kalakalan ng tabako at pag-iwas sa buwis.