Dagdag na 5000 megawatts sa suplay ng kuryente, target sa 2022

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Tiniyak ng Department of Energy o DOE na madadagdagan pa ng 5,000 megawatts ang suplay ng kuryente sa buong bansa pagsapit ng taong 2022.

Sa isang panayam sa kanyang kamakailang pagbisita sa lungsod ng San Jose del Monte, sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na magmumula ang dagdag na suplay sa mga inaasahang bagong coal at renewable power plants.

Sa Bulacan, natukoy ang pagtatayo ng isang solar power plant sa bayan ng San Ildefonso. 

Sa panayam ng Philippine Information Agency kay Energy Secretary Alfonso Cusi sa kanyang pagbisita sa lungsod ng San Jose Del Monte kamakailan, ipinapaliwanag niyang may 5,000 megawatts ang maidadagdag sa suplay ng kuryente sa buong bansa pagsapit ng taong 2022. Kabilang riyan ang mga malalaking solar power plants na itinatayo at itatayo sa mga bayan ng San Miguel, San Ildefonso, San Rafael at isang biomass power plant sa Bocaue. (Shane F. Velasco/PIA 3)
Sa panayam ng Philippine Information Agency kay Energy Secretary Alfonso Cusi sa kanyang pagbisita sa lungsod ng San Jose Del Monte kamakailan, ipinapaliwanag niyang may 5,000 megawatts ang maidadagdag sa suplay ng kuryente sa buong bansa pagsapit ng taong 2022. Kabilang riyan ang mga malalaking solar power plants na itinatayo at itatayo sa mga bayan ng San Miguel, San Ildefonso, San Rafael at isang biomass power plant sa Bocaue. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Isa itong pamumuhunan ng CleanTech Global Renewables Inc. na magsusuplay ng karagdagang 30 megawatts. Target matapos ang proyekto sa loob ng taong ito habang katatapos lang gawin ang naunang 15 megawatts noong 2016. 

May 86,400 na mga solar panels ang kasalukuyang inilalatag sa may 22.5 ektaryang lupa na kayang magsuplay ng kuryente sa mahigit 10 libong kabahayan. 

Base naman sa listahan ng DOE ng mga nakalinya pang mga planta ng kuryente na itatayo, mayroon pang isang solar power plant na nakatakdang ilatag sa bayan ng San Miguel. Ito ay isang pamumuhunan ng Powersource First Bulacan Solar Inc. na magsusuplay ng karagdagang 50 megawatts.

Sa San Ildefonso at San Rafael, tig-421.2 megawatts na solar power plants ang ilalatag ng Solar Philippines Commercial Rooftop Projects Inc. habang sa lungsod ng San Jose Del Monte ay may 80 megawatts ang idadagdag na suplay ng kuryente sa solar power plant na ipupuhunan ng MANRESA Power Corporation. 

Nakatakda namang simulan ang konstruksyon sa Bocaue ng isang biomass power plant ng Hypergreen Energy Corporation. Gamit ang tutunawing mga ipa ng Palay, kayang lumikha ito ng 12 megawatts na kuryente. Target matapos ang proyekto sa Disyembre 2020.

Samantala, ikinagalak naman ni Cusi ang pagkakapasa sa parehong kapulungan ng Kongreso ng EVOSS o Energy Virtual One Shared System na magpapabilis sa pagpapa-apruba ng mga proyektong planta ng kuryente sa bansa. 

Sa kasalukuyan, umaabot sa 1,340 araw ang inaabot ng aplikasyon ng isang proyektong planta ng kuryente na nangangailangan pa ng 359 mga pirma mula sa 74 na mga ahensya ng pamahalaan. 

Sa EVOSS na ihahain na upang mapirmahan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte upang maging ganap na batas, gagawin nang isang proseso ang lahat ng rekisito at pagsasabay-sabayin ang paglalabas ng permit upang agad na maitayo ang mga planta.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews