LUNGSOD NG CABANATUAN — Nasa 341 aplikante ang lumahok sa idinaos na Labor Day Job Fair ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Provincial Public Employment Service Officer Maria Luisa Pangilinan, taun-taon ay sinisiguro ng tanggapang makapagsagawa ng job fair bilang agapay sa mga kababayang naghahanap ng trabaho.
Gayundin aniya ay mapagsama-sama ang mga kumpanyang nangangailangan ng trabahador upang mas madaling makakuha ng trabaho ang mga Nobo Esihano nang hindi na dumadayo pa sa ibang lugar.
Base sa naitala ng tanggapan ay 15 ang hired on-the-spot na karamihan ay trabahong lokal.
Nasa 43 kumpanya naman ang lumahok sa naturang aktibidad na kung saan ang 13 ay trabaho abroad ang handog.
Pahayag ni Pangilinan, maraming bakanteng trabaho sa lalawigan para sa mga skilled workers, office staff at service crew.
Kaniyang payo sa mga kababayan ay huwag maging mapili sa paghahanap ng trabaho bagkus ay pagbutihin at maging matiyaga dahil lahat naman ay kinakailangang magsimula bilang simpleng empleyado.
Binigyang halaga naman ni Department of Labor and Employment Provincial Director Maylene Evangelista ang naiaambag ng mga manggagawa sa estado o pag-unlad ng ekonomiya ng lokalidad at buong bansa.
Samantala, dumalo din sa naturang aktibidad ang Department of Trade and Industry at Technical Education and Skills Development Authority na umagapay sa mga nais magkaroon ng kasanayang maaring magamit sa pagbubukas ng sarling negosyo.