Isang dating barangay captain at kasalukuyang barangay kagawad at supporter ng mga opposition candidates ang umanoy puwersahang dinukot ng mga naka-bonet na armadong kalalakihan at umanoy tauhan ng Civil Security Unit ng Lungsod ng San jose Del Monte sa Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Kagawad Arnel Aspile ng Barangay Citrus at supporter nina mayoralty candidate Rey San Pedro at Congressman candidate Irene Del Rosario.
Sa ginanap na press briefing kahapon sinabi ni Del Rosario na illegal ang pagkaka-aresto sa kanilang political leader na si Aspile dahil wala umanong search and arrest warrant.
>
> Kinuwestyun din ni Del Rosario kung bakit mga tauhan ng CSU ang umaresto gayun hindi naman awtorosido ng PNP at Comelec ang nasabing grupo.
Ayon kay San Pedro, positibong ginagamit ng kasalukuyang administrasyon ng Lungsod ng SJDM ang mga security personnel bilang mga private armies.
Nabatid na bandang alas-9:45 ng gabi habang nagpupulong nang makatanggap sina Del Rosario at former mayor San Pedro na sapilitang dinukot ang kanilang supporter sa nasabing barangay.
Pinuntahan nina Del Rosario ang City Police Station subalit wala dun si kagawad ngunit bandang alas-10:15 ng gabi ay dumating ang tropa ng CSU bitbit si Aspile at dun pa lamang itinurn-over sa kapulisan.
Ayon sa report ng PNP, si Aspile ay inaresto sa reklamong grave threat dahil sa umanoy harassment na ginagawa nito sa kanilang barangay.
Nabatid pa na nakuha sa bag ni Aspile ang isang 45 caliber at tatlong sachet ng shabu.
Ayon kay Del Rosario, planted ang baril at droga na sinasabing nakuha kay Aspile.
Napagalaman pa na hindi nagtutugma ang report ng pulis sa pahayag ng mga witness.
Kinuwestyon ni Del Rosario kung bakit hindi agad sa pulis dinala ng mga taga CSU si Aspile at napagalaman na sa motorpool unang itong dinala.
Hiniling pa ni Del Rosario sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ang paggamit sa mga CSU bilang private armies.
Nabatid pa na sa buong lalawigan ng Bulacan ay ang lungsod ng SJDM ang kabilang sa Orange Alert o hot spot na dineklara ng Police Regional Office 3 (PRO3).
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng City Police ng SJDM si Aspile at inihahanda na ang kasong isasampa dito.
Pinag-aaralan din ng kampo nina Del Rosario at San Pedro ang mga kasong isasampa sa mga ilegal na umaresto kay Aspile.
“Ito ay malinaw na political harassment para samin ng aming mga katunggali, hindi sila parehas lumaban,” ani Del Rosario.