LUNGSOD NG MALOLOS — Namuhunan ng panibagong 400 milyong piso ang NLEX Corporation para sa pagdadagdag ng mga linya sa mga tollgate at interchanges sa Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX.
Ayon kay NLEX Corporation Corporate Communications Head Kit Ventura, sisimulan sa Hulyo ang pagdadagdag ng mga booths sa mga tollgate nito sa Clark South, Clark North, San Miguel, Bamban at Tarlac City. Gayundin ang pagpapalaki ng mga interchanges sa nasabing mga lugar.
Ipinaliwanag niya na isinama sa mga prayoridad na malakihan ang toll plaza sa Clark South at Clark North dahil ito ang nagsisilbing gateway papunta sa Clark International Airport na ngayo’y patuloy sa pagdami ang mga commercial flights at mga pasaherong tumatangkilik.
Gayundin ay lalakihan ang San Miguel interchange, na kilala bilang Luisita, dahil ito naman ang nagsisilbing pangunahing daan ng mga bus papasok sa Manila North Road o MacArthur Highway.
Kaugnay nito, target namang tapusin ang konstruksyon ng Bamban Interchange bago ang Nobyembre na magsisilbing daan papunta sa New Clark City na pangunahing pagdadausan ng 2019 South East Asian Games.