Bagong toll fees sa SCTEX, epektibo sa Hunyo 14

LUNGSOD NG MALOLOS — Ipatutupad na simula ngayong Biyernes, Hunyo 14 ang 0.51 pisong pag-angat sa toll fee sa kada kilometro sa Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX.

Ito ay matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board o TRB ang dati nang petisyon ng Bases Conversion Development Authority o BCDA noong 2011. 

Inilahad ni NLEX Corporation Corporate Communications Head Kit Ventura na base sa inaprubahan ng TRB, madadagdagan ng 20 piso ang toll fee ng Class 1 o mga sasakyang apat ang gulong na mag-uumpisang pumasok sa SCTEX mula sa Mabiga Interchange sa lungsod ng Mabalacat hanggang sa La Paz, Tarlac. 

Makikita sa larawan ang magiging presyo ng toll fee sa Subic-Clark-Tarlac Expressway simula sa Hunyo 14, 2019. Ito ay mula sa Mabiga interchange sa lungsod ng Mabalacat sa Pampanga hanggang Tipo sa bukana ng Subic Bay Freeport at mula Mabiga hanggang La Paz, Tarlac. (NLEX Corporation)

Ang mga Class 2 o mga bus at maliliit na trak ay 40 piso at ang mga Class 3 naman gaya ng malalaking trak at mga may hinihila ay 60 piso.

Kung papuntang Subic Bay naman mula sa Mabiga Interchange, 32 ang idadagdag sa mga Class 1, 66 piso sa mga Class 2 at 98 piso sa mga Class 3.

Binigyang diin pa ni Ventura na mula nang hinawakan ng NLEX Corporation ang konsesyon para sa operasyon ng SCTEX noong 2015, namuhunan na ang kumpanya para mapanatiling maganda ang kalidad ng daan at mga imprastraktrua sa 94 kilometrong expressway. 

Una na rito ay nang pinag-isa na ang electronic toll collecting system ng NLEX at SCTEX upang hindi na humaba ang pila sa pagbabayad ng toll fee ng mga sasakyang nagmumula sa NLEX at umaakyat sa SCTEX. Noong 2017 naman, muling inaspaltohan ang noo’y magagaspang nang kalsada ng SCTEX mula sa La Paz, Tarlac hanggang Tipo sa bukana ng Subic Bay Freeport.

Sinimulan din ang pagpapalaki ng mga interchange at pagdadagdag ng mga toll booths partikular na sa Tipo at Mabiga. Iba pa rito ang paglalagay ng 24 oras na traffic monitoring at roadside services, mga makabagong closed-circuit television cameras at pagtatayo ng Traffic Control Room upang masegurong ligtas ang mga nagbibiyahe sa SCTEX.

Kaugnay nito, sa konsesyon na pinasok ng NLEX Corporation para pamahalaan ang SCTEX, 50 porsyento ng mga nakokolektang toll fee sa SCTEX ay sosyo para sa BCDA.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews