LUNGSOD NG TARLAC — May 21 na kooperatiba sa kabiserang lungsod ang nakibahagi sa dalawang araw seminar at pagsasanay na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng City Cooperative and Enterprise Development Office o CCEDO.
Ayon kay Mayor Cristy Angeles, ang aktibidad ay parte ng inisyatiba ng lokal na pamahalaan para sa pagpapalakas ng mga kooperatiba sa lungsod dahil ito ay may mahalagang parte sa pag-angat ng ekonomiya.
Tampok sa seminar ang diskusyon tungkol sa Fundamentals of Cooperative at Governance and Management of Cooperatives na binigyang daan nina Cooperative Development Specialist Hemilin Cardinoza at Cooperative Development Specialist Roger Pardua mula sa Cooperative Development Authority.
Ayon naman sa CCEDO, ang mga nasabing seminars ay parte ng mga mandatory trainings na dapat kunin ng mga kooperatiba upang sila ay mabigyan ng Certificate of Compliance na basehan upang mahirang ang isang kooperatiba bilang good-standing cooperative.
Malaking tulong sa mga kooperatiba ang nasabing libreng training sapagkat kailangan ng mga ito ang Certificate of Compliance upang makatanggap ng mga grants mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agrarian Reform, Department of Agriculture at Department of Science and Technology. (PIA 3)