Naaresto ng mga operatiba ng San Miguel Police Station ang umanoy tatlong kilabot na miyembro ng “Budol-Budol” gang Lunes ng hapon sa Barangay Camias, San Miguel, Bulacan.
Kinilala ni Bulacan police director PCol. Chito Bersaluna ang mga suspek na sina Leonora Canoza, 48, married ng Jaen, Nueva Ecija; James Conquia, 22, single at June Pascual, 50, married pawang ng Alibangbang, Cabanatuan City.
Pinaghahahanap naman ang isa pang kasamahan ng mga suspek na nakillang si John John Pascual.
Ayon kay San Miguel Police Station acting chief of police PLt. Col. Augusto Asuncion ang mga suspek ay nadakip sa isinagawang pursuit operation makaraang mabiktima ang ginang na si Maria Teresa Vergel, 57, biyuda at residente ng Camias, San Miguel.
Nabatid sa imbestigasyon na nakiusap umano ang mga suspek sa biktima na bigyan siya ng halagang P20,000 dahil nasa ospital umano ang anak nito kung saan ang kapalit ay iiwan sa biktima ang kaniyang Metro Bank automated teller machine card at cash check worth P20,000 bilang collateral.
Parang nahipnotisya umano ang biktima kayat sunod sunuran ito sa mga sinasabi ng mga suspek hanggang sa makaalis at nang siya ay nahimasmasan ay agad siya nagreport sa barangay at sa kapulisan.
Mabilis naman umaksyon ang San Miguel Police at naaresto ang mga suspek.
Makaraang mabalitaan ang nasabing insidente ay isa-isang nagsulputan sa police station ang iba pang nabiktima ng mga suspek.
Nakilala ang iba pang mga biktima na sina Christine Balaja from San Ildefonso, Bulacan; Risalina Hernandez, Evelyn Galang kapwa ng San Miguel town; Babylin Violago at Cristina Joson kapwa naman ng San Ildefonso town.
Nabatid na umabot sa mahigit P.1-million ang natangay ng mga suspek sa mga biktima.