Sen. Pacquiao, magbibigay inspirasyon sa 4,000 Bulakenyong iskolar

Mahigit-kumulang apat na libong estudyante ang makakakuha ng inspirasyon mula kay Senador Manny Pacquiao sa kanyang pagdalo sa Scholar’s General Assembly bilang panauhing pandangal ngayong Huwebes na gaganapin sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lugsod ng Malolos.

Bukod sa pagbabahagi ng mga karanasan ng kabiguan at tagumpay, pangungunahan din ni ‘Pacman’ ang pamimigay ng scholarship grants sa mga estudyante mula sa pampublikong senior high school, mga state universities at colleges (SUCs) at iba pang pribadong paaralan sa lalawigan kasama si Gob. Daniel R. Fernando.

Sa ilalim ng ‘Tulong Pang-Edukasyon para sa Kabataang Bulakenyo’, makatatanggap ang mga iskolar ng tseke na nagkakahalaga ng P2,000 para sa mga mag-aaral ng pampublikong senior high schools at SUCs habang ang mga estudyante naman sa mga pribadong institusyon ay makatatanggap ng tseke na nagkakahalaga ng P3,500.

Mahigit 3,000 aplikante naman ng tulong pang edukasyonmula sa Bulacan Polytechnic College ang mapagkakalooban ng libreng matrikula at iba pang gastusin sa eskwela para sa buong taong pag-aaral.

Ayon sa People’s Governor, ang nasabing programa ay naglalayong tumulong sa mga karapat-dapat na estudyante na makapagtapos ng pag-aaral at makapagbigay ng tulong ‘di lamang para sa kanilang pamilya kundi maging sa lalawigan.

“Layunin po ng programang ito na maibsan ang dalahin ng mga magulang at matulungan ang mga kabataan na abutin ang kanilang mga pangarap. Napakahalaga po ng edukasyon sapagkat ito ang yaman na kalainma’y hindi mananakaw bagkus ay mapagyayaman upang higit na maging kapaki-pakinabang,” ani Fernando.

Ang scholarship program ay alinsunod sa Executive Order No. 004 ng Tanggapan ng Punong Lalawigan na may petsang Hulyo 17, 2019 na naglalahad na ang mga estudyante mula sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo na makapapasa sa isinasagawang pagsusulit ay makatatanggap ng ayuda na nagkakahalaga ng P2,000 mula sa programang “Tulong Pang-Edukasyon para sa Kabataang Bulakenyo.”

Bahagi ang asembleya sa isang linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival 2019 na may temang “Sining at Kalinangang Bulakenyo, Dangal ng Filipino!”.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews