Magsasakang nagbebenta ng Palay sa NFA, dumami dahil sa Rice Tariffication

LUNGSOD NG MALOLOS — Dumami ng 50 porsyento ang bilang ng mga indibidwal na magsasaka at mga kooperatibang pangsakahan na nagbebenta ng mga Palay sa National Food Authority o NFA. 

Ayon kay NFA Bulacan Officer-in-Charge Ed Camua, bunsod ito ng umiiral na Rice Tariffication Law o ang Republic Act 11203 na nagbibigay nang mas malaking kapangyarihan sa NFA na mamili nang husto ng Palay mula sa mga ani ng magsasaka. 

Base sa kanilang tala, buhat ng naging epektibo ang naturang batas nitong unang bahagi ng 2019 ay  aabot sa 198 na mga walk-in na magsasaka ang sumadya sa kanila, 43 na mga rehistradong magsasaka at 204 na mga kooperatiba ng mga magsasaka. 

Paliwanag pa ni Camua na noong hindi pa umiiral ang batas ay kalahati lamang ng nasabing mga bilang ang sumasadya sa NFA para magbenta ng Palay. 

Nang naisabatas ang Republic Act 11203, bumaba ang presyo ng Palay kaya’t ang mga pribadong mangangalakal ay bumibili na lamang sa halagang 16.50 piso kada kilo habang ang NFA naman ay bumibili ng Palay sa halagang 19 piso kada kilo. 

Bilang resulta, 3,700 na kaban ng Palay ang nabili ng NFA Bulacan nitong nakaraang Setyembre at 41,609 kaban ngayong kalagitnaan ng Oktubre. Target nito na makabili pa ng 220 libong kaban ng Palay sa Nobyembre at 150 libong kaban sa Disyembre ngayong taon. 

Bukod dito, binigyang diin pa ni Camua na bukod sa mga bagong nabiling Palay mula sa mga lokal na magsasaka ay nakaimbak pa sa mga bodega ng NFA Bulacan ang mga natitira pang Bigas na inangkat noong isang taon na aabot sa 750 libong kaban. 

Ito ang mga Bigas na nabili ng NFA noong may kapangyarihan pa itong mag-angkat at hindi pa umiiral ang Republic Act 11203. 

Sa ilalim ng nasabing batas, tinanggal na sa NFA ang kapangyarihang mag-angkat ng Bigas at ipinaubaya na ito sa mga pribadong mangangalakal kung saan papatawan ito ng buwis o iyong tinatawag na taripa. 

Ang mga makokolektang taripa ay ilalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund upang maagapayan ang mga lokal na magsasaka na mas palakasin ang kani-kanilang mga ani. 

Nilalaman din ng Republic Act 11203 na dapat maging malawakan ang pagbili ng NFA ng mga lokal na Palay mula sa mga magsasaka upang matiyak ang mandato nitong magkaroon ng imbak o buffer stock.

Ito ang mga imbak na Palay, na kalaunan ay ipapakiskis para maging Bigas, sakaling may dumating na kalamidad o panahon na nangangailangan ng maraming suplay nito. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews