LUNGSOD NG MALOLOS –Ipinagdiwang sa Bulacan ang taunang Consumer Welfare Month sa pamamagitan ng paggagawad ng Department of Trade and Industry o DTI ng mga Bagwis Award.
Tatlong uri ang Bagwis Award kung saan pinakamataas ang Bagwis Gold Award na sinusundan ng Bagwis Silver Award at ng Bagwis Bronze Award.
Ang unang pitong mga establisemento na ginawaran ng Bagwis Gold Award ay pawang mga tindahan ng mga damit, tela at iba pang kaugnay nito.
Kabilang diyan ang Forme sa SM City Baliwag, Penshoppe-Robinson’s Place Malolos, mga sangay ng Penshoppe, Oxygen, Forme at Regatta sa SM City San Jose Del Monte; at ang Penshoppe sa Starmall sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Mayroon ding establisemeto na bookstore at school supplies ang napagkalooban ng Bagwis Gold Award na Pandayan Book Shop Inc., partikular na ang mga sangay nito sa mga bayan ng Bocaue at Marilao. Gayundin ang Esmenda Engineering Works na nakabase sa Balagtas.
Ayon kay DTI Bulacan Officer-In-Charge Ernani M. Dionisio, ang ginagawaran ng Bagwis Gold Award ay mga negosyong may ISO Certificate Compliance 9001 sa paggalang, pagsuporta at pagtataguyod sa karapatan ng mga mamimili.
Kung ang Bagwis Silver Award naman, partikular na kinikilala rito ang naiaambag ng isang establisemento pagdating sa pagtataguyod ng corporate social responsibility habang ang Bagwis Bronze Award ay kumikilala sa mga pangunahing pagsunod sa Fair Trade laws at pagkakaroon ng tiyak na Consumer Welfare Desk na katumbas ng customer relations office sa loob ng isang mall.
Ibig sabihin ayon pa kay Dionisio, kapag ang isang establisemento ay naparangalan ng Bagwis Gold Award, natutupad nito ang lahat ng rekisito mula sa mga pamantayan sa simula pa lamang sa Bagwis Bronze Award. Kwalipikadong mapagkalooban ng nasabing parangal ang mga supermarkets, department stores at mga specialty stores, appliance centers, hardware stores at mga service at repair shops na nakarehistro sa DTI.
Kaugnay nito, tatlong sangay ng Budget King Supermarket Philippines Inc. ang ginawaran ng Bagwis Silver Awards na matatagpuan sa Balagtas, lungsod ng Meycauayan at Norzagaray. Ang Task Force Marketing Inc. naman ang pinagkalooban ng Bagwis Bronze Award na nakabase sa Baliwag.
Samantala, taong 2006 nang inilunsad ng DTI ang paggagawad ng Bagwis Awards upang bigyan ng nararapat na pagkilala ang mga establisemento na sumusunod sa mga patakarang nagbibigay ng mga proteksiyon sa karapatan ng mga mamimili.
Layunin din nito na maging sulit ang bawat halaga ng pera na ipinambibili sa bawat produkto.
Isa rin itong paraan ng ahensiya upang makapaglagay ng Customer Welfare Desks sa bawat establisemento upang mapabilis ang pagtugon sa mga reklamo o suhestiyon ng mga mamimili.
Base naman sa disenyo ng plake, tinawag na Bagwis ang parangal bilang simbulo ng pagkakaisa at pagkakasundu-sundo ng pamahalaan, mangangalakal at mamimili na sinisimbulo ng magkakadikit na balahibo sa isang pakpak.
Sinisimbulo rin nito ang matatag na kalidad ng mga produkto na nagpapahalaga sa bawat perang ipinambibili rito.(CLJD/SFV-PIA 3)