LUNGSOD NG MALOLOS — Pinarangalan bilang mga Huwarang Palengke ngayong taon ang mga Pamilihang Bayan ng Santa Maria para sa big market category at San Rafael para naman sa small market category.
Iginawad ito ng Department of Trade and Industry at Bulacan Consumer Affairs Council sa ginanap na pagdiriwang ng Consumer Welfare Month.
Ayon kay Santa Maria Mayor Russel G. Pleyto, pangunahin sa mga reporma na ginawa sa pamilihang bayan ang pagbabawal sa mga manual na timbangan.
Ipinapatupad dito ang pag-ubliga sa mga may pwesto sa palengke na magkaroon ng Digitalize na mga timbangan. Dahil dito, natitiyak na tunay na calibrated ang mga ganitong uri ng timbangan na hindi nadadaya.
Binigyang diin ni Mayor Pleyto na mahigpit ang pagpapatupad sa Pamilihang Bayan ng Santa Maria sa Republic Act 10611 o ang Food Safety Act, lalung lalo na ang pagkakaroon ng isang malinis at modernong katayan sa ilalim ng National Meat Inspection Service.
Iba pa rito ang mahigpit na pagpapatupad sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act kaya’t walang nagiging kalat sa mga pasilyo ng palengke at partikular na walang gabundok na mga basura sa mga kanto nito.
Nakatakda namang magpatayo ang Pamahalaang Bayan ng Santa Maria ng tatlong palapag na bagong pasilidad ng Pamilihang Bayan sa halagang 50 milyong piso.
Ayon pa sa punong bayan, taong 1983 pa nang makapagpatayo ng pasilidad para sa Pamilihang Bayan ng Santa Maria sa panahong nasa 30 libo pa lamang ang mga naninirahan dito. Sa ngayon, mahigit 300 libo na ang mga mamamayan na nakatira sa Santa Maria.
Ang Pamilihang Bayan naman ng San Rafael, bagama’t maliit, ay tinanghal na Huwarang Palengke dahil sa kalinisan at pagkakaroon ng makabagong pasilidad.
Naipatayo ito ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael sa pamamagitan sistemang Built-Operate-Transfer.
Isa itong uri ng mekanismo Public-Private Partnership kung saan ipapaubaya ng pamahalaan sa kwalipikadong pribadong konsesyonaryo ang pagtatayo at operasyon ng isang partikular na imprastraktura. Kapag natapos ang panahon ng pinagkasunduang konsesyon, isasauli na sa pamahalaan ang pasilidad. (CLJD/SFV-PIA 3)