LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nananatiling isa ang Bulacan sa top prodyuser ng baboy at manok sa buong bansa.
Sa isang forum kaugnay ng pagdiriwang ng National Statistics Month, inilahad ni Marian C. Enriquez ng Philippine Statistics Authority-Bulacan na mula sa 244,167 tonelada noong 2017, tumaas ang produksyon ng baboy ng probinsya sa 259,677 tonelada noong 2018.
Ibinabase ang tonelada sa bawat nakakatay na baboy sa mga slaughter house na dumadaan sa National Meat Inspection Service.
Ang Gitnang Luzon ang top supplier ng baboy sa Metro Manila noong 2018 kung saan 55 porsyento ay nagmumula sa Bulacan. Sinusundan ito ng Tarlac na nasa 21%, Pampanga na 11%, Nueva Ecija na 5%, Zambales na 4%, Bataan na 3% at Aurora at 1%.
Samantala, mula sa 168,982 tonelada noong 2017 ay tumaas sa 188,269 tonelada ang produksyon ng manok sa Bulacan noong 2018. Katumbas ito ng 29% sa kabuuang produksyon ng manok sa Gitnang Luzon.
Mas malaki ito kumpara sa 27% ng Pampanga, tig-16% ang Tarlac at Nueva Ecija, 8% ng Bataan at 4% ng Zambales.
Ang taunang pagdiriwang ng National Statistics Month tuwing Oktubre ay sang-ayon sa Proclamation No. 647 na inilabas ni Pangulong Corazon C. Aquino noong Setyembre 20, 1990. (CLJD/SFV-PIA 3)