DTI binuksan ang ika-16 na Negosyo Center sa Tarlac

LA PAZ, Tarlac, Nobyembre 7 (PIA) — Binuksan ng Department of Trade and Industry o DTI Tarlac ang ika-16 nitong Negosyo Center na matatagpuan sa municipal compound ng bayan ng La Paz. 

Ayon kay DTI Provincial Director Agnes Ramirez, layunin ng Negosyo Center na ilapit ang mga serbisyo ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa mga nagnanais at nagsisimula pa lamang sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng business advisory services, mga pagsasanay, pagpaparehistro ng business name at pagpapatala sa Barangay Micro Business Enterprises. 

Binigyang-diin din ni Ramirez ang kahalagahan at kontribusyon ng mga micro, small and medium Enterprises o MSMEs sa paglago ng ekonomiya. 

Aniya, binibigyang-halaga ng Negosyo Center ang mga maliliit na negosyante dahil sila ang nagbibigay-buhay sa ekonomiya ng bayan at nagbibigay ng produkto, serbisyo at trabahong kailangan ng mga mamamayan. 

Samantala, iginiit ni La Paz Mayor Venus Jordan na ang presensya ng DTI sa kanilang bayan ay magbubukas ng oportunidad sa lahat ng interesado na magtayo ng sarili nilang negosyo. 

Pahayag ni Jordan, maituturing na tagumpay para sa La Paz ang magkaroon ng Negosyo Center na papatnubay sa mga MSMEs sa pagtatayo at pagpapalago ng kanilang negosyo. 

Magbibigay-daan din aniya ang pasilidad sa pagpapakilala ng mga produkto at serbisyo ng bayan sa lokal at pandaigdigang merkado. (CLJD/TJBM-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews