Pamananang arkitektura, ipinasunod sa bagong istraktura sa Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS — Inuubliga ng lokal na pamahalaan ng Malolos ang mga nagtatayo at magtatayo pa ng mga bagong istraktura sa lungsod na isunod ang disenyo sa mga Pamanang arkitektura o heritage architectural design.

Ayon kay City Tourism Office Head  Armando Sta. Ana, kinakausap muna ang lahat ng mga nakatakdang magtayo ng mga establisemento, pati na mga mamumuhunan, upang maisunod sa “Renaissance City” concept ang itatayong istraktura.

Binigyang diin pa ni Sta. Ana na ngayon naging “full-blast” ang pagpapatupad sa Kautusang Panglungsod Blg. 08-2014 na isang kautusan para sa mahigpit na pangangalaga, pagsisinop at preserbasyon ng mga mahahalaga at makasaysayang bahay at gusali na itinuturing na Likhang Istrakturang Pamana. 

Ito ay inakda ni Mayor Gilbert Gatchalian noong siya ang pangalawang punong lungsod at siyang presiding officer ng Sangguniang Panglungsod ng Malolos.

Ang nasabing kautusan ay alinsunod din sa mga probisyon ng Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act, na kinakailangang isunod sa mga pamanang arkitektura ang disenyo ng mga itatayong bagong istraktura malapit o sa paligid nito. 

Kaya’t kapansin-pansin ngayon sa mga bagong tayong mga establisemento sa Malolos, ang pagsunod nito na iayon sa mga Pamanang arkitektura. Halimbawa na rito ang bagong tayong fast-food chain na Mang Inasal sa bukana ng palengke ng Malolos. 

Nilagyan ng baluster, mga poste at hamba ang harapan o façade ng kainan na isinunod sa disenyo ng isang Pamanang bahay. 

Ang bagong tayong Casa Anselmo ay halos kamukha na ng katabi nitong Casa Real de Malolos. Matatagpuan sa Casa Anselmo ang isang supermarket na magkakatabing mga appliances center at mga kainan. 

Bilang iwinangis sa Casa Real, tila isang royal house na siyang kahulugan ng Casa Real, ang disenyo ng arkitektura ng Casa Anselmo. Kinabitan din ng bintana na yari sa mga Capiz itong Casa Anselmo.

Sa tapat ng simbahan ng Barasoain, itinayo naman ang gusali para sa convenient store na isinunod sa disenyo ng isang bahay na tisa. 

Mayroon ding binuksan na sangay ng nasabing convenient store na ipinuwesto mismo sa Pamanang bahay na naging opisina ng Secretaria de Guerra sa barangay Sto. Nino. Ito ang ahensiya na pinagmulan ng kasalukuyang Department of Public Works and Highways at Department of Transportation.

Maging ang façade ng bagong tayong Phase 1 ng Malolos Central Transport Terminal ay hinulma rin na alinsunod sa disenyong Renaissance. Ginamit ng City Tourism Office ang salitang renaissance, dahil nais nitong maibalik ang sinaunang anyo ng Malolos at muling maibangon ang mga yamang pamana nito.

Taong 2001 nang ideklara ng National Historical Commission of the Philippines kabayanan ng Malolos, mula sa Barasoain hanggang sa palibot ng Katedral-Basilika ng Malolos kung saan matatagpuan ang Kamistisuhan district bilang Heritage Town. 

Ito’y upang mapangalagaan ang paligid at istraktura ng simbahan ng Barasoain, gayundin ang kumbento nito, kung saan binuksan ang Kongreso ng Malolos na siyang nagbalangkas at nag-apruba sa Saligang Batas ng 1899, hanggang sa pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas. 

Sakop din ng deklarasyon ang pangangalaga sa kahabaan ng Paseo del Congreso pati na sa mga lumang bahay at istraktura na nadadaanan nito. Gayundin ang buong Kamistisuhan district kung saan matatagpuan ang mga Pamanang Bahay na nagsilbing tanggapan ng mga ahensiya sa ilalim ng Unang Republika. 

Matatagpuan din dito ang mga bahay ng 21 Kadalagahan ng Malolos na nagpetisyon sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya upang igiit ang kanilang karapatan para makapag-aral. 

Samantala, kinatigan naman ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang inisyatibong ito ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. 

Ayon kay Ruel Paguiligan, tagapangulo ng Bulacan-Zambales Cluster ng NHCP, ang ginagawang ito sa Malolos ay magtitiyak na mapapangalagaan ang mga yamang Pamana ng lungsod at maibalik ang dating pagkakakilanlan nito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews