25 namatay mula sa 10,307 na kaso ng dengue sa Bulacan

Umabot sa dalawamput-lima katao ang namatay mula sa naitalang 10,307 na kaso ng dengue sa lalawigan ng Bulacan nitong nakaraang taon 2019.

Bilang suporta sa National Zero Waste Month, pinaalalahanan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang publiko sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health na ipagpatuloy ang paglilinis ng kapaligiran upang hindi na dumami pa ang kaso ng dengue sa lalawigan.

Sa pinakahuling datos ng Dengue Surveillance, may 10,307 na pinaghihinalaang kaso ng dengue ang nakalap mula sa iba’t ibang disease reporting units sa Bulacan noong 2019 kung saan 25 ang nasawi na mas mataas ng 41 na porsyento kumpara sa 7,312 na kaso sa kaparehong panahon noong 2018. 

Sinabi ni Governor Daniel Fernando na kilalang sumusuporta sa mga proyekto at programang pangkapaligiran para sa mas malusog na mga Bulakenyo, na naniniwala siyang ang malusog na mamamayan ay produktibong mamamayan, dahilan upang ang kanyang mga Executive Orderay naka-angkla sa Republic Act No. 7160 na naglalaman ng pagpapaigting ng mga batas kontra polusyon gayundin ang pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman.

“Patuloy tayong maglinis ng paligid natin, para sa atin naman ito, lalo ngayon na ang daming kumakalat na sakit. Ang kaso ng dengue sa atin ay pataas hindi pababa kaya magtulungan tayo, maglinis tayo nang wala ng pamahayan ‘yang mga lamok na ‘yan,” ani Fernando.

Idinagdag din niya na ang obserbasyon ng Zero Waste Month sa unang buwan ng taon ay isang magandang istratehiya upang simulan ang taon ng tama at isang mahalagang paalala na maging maalam hinggil sa pagbabawas ng basura at kahalagahan ng malinis na kapaligiran.

Sa mandato ng Presidential Proclamation no. 760noong Mayo 5, 2014 na kilala bilang Zero Waste Month, isang adbokasiya na nagpapalaganap ng paggawa at pamamahala ng mga produkto at pagproseso upang mawala ang maraming basura at ng lason na dulot nito, ay naglalayon ding turuan ang mga mamamayan na magtipid at muling gumamit ng mga basurang maaari pang buuin upang mapakinabangan ng iba.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, ang Zero Waste Month ay alinsunod sa Republic Act 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews