AWOL na sundalo kalaboso sa 50 gramo ng shabu

 10 

Isang AWOL (absent without official leave) na sundalo ng Philippine Army (PA) ang natimbog sa ikinasang buy bust operation sa Barangay Pulong Gubat sa bayan ng Balagtas, Bulacan kahapon (Miyerkules) ng umaga.

Kinilala ni Bulacan PNP acting director PCol. Emma Libunao ang naarestong suspek na si Jomel Cordez, 38, may-asawa, tubong Camarines Sur at pansamantalang naninirahan sa nabanggit na lugar.

Base sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-11:30 ng umaga nang madakip ang suspek sa isang buy bust operation na ikinasa ng Bulakan Police at Balagtas Police.

Hindi na nakapalag ang suspek nang agad itong posasan ng mga ooeratibang nagpanggap na buyer ng droga.

Ayon kay Libunao, nakuha sa posesyon ng suspek ang 50 gramo ng hinihinalang shabu.

Kasalukuyang nakapiit sa Bulakan Police Station ang suspek habang inihahanda na laban dito ang kasong isasampa.