CITY OF MALOLOS- “Utang natin sa ating bansa na pagningasin sa puso ng ating mga kababayan, lalo na sa mga kabataan, ang malalim na pagkaunawa sa ating kasaysayan at kung ano ang ginawa ng ating mga ninuno upang makamit ang ating.”
Ito ang mensahe ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa libu-libong Bulakenyo na dumalo sa ika-121 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain kaninang umaga.
Naniniwala ang senador na tungkulin ng bawat isang Pilipino na mag-ambag sa patuloy na paglaban para sa demokrasya at kapayapaan para sa kabutihan ng ating bansa.
“Against the noise and frenzy brought by social media, I hope that the message and significance of this historical milestone that we celebrate today is known to our countrymen particularly our young generation. Let us find time to teach our youth to sincerely embrace the meaning and significance of nationhood and make them recognize their responsibility to safeguard our freedom and democracy,” dagdag pa ni Dela Rosa.
Nanawagan rin siya sa kanyang mga kapwa lingkod bayan na magkaisa, isantabi ang pulitika at ituon ang pansin sa gawain na makamit ang hinahangad ng Pilipinas sa loob ng ilang dekada.
Samantala, pinapurihan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga kaganapan mahigit isang dekada na ang nakalilipas at sinabi na patuloy na nadarama ang pamana nito sa kasalukuyang henerasyon at hinamon niya ang mga Pilipino na maging karapat-dapat sa lahat ng mabuting bagay na kanilang tinatamasa ngayon.
“Habang ang ibang bansa sa Asya ay patuloy na nagpapasakop sa mga dayuhan, ito namang mga Pilipino ay tumindig sa kanilang karapatan sa sariling pamamahala. Ipinaglaban ng ating mga ninuno ang paniniwala na kaya nating pamahalaan ang ating sariling bansa kaya naman naririto tayong lahat ngayon,” anang gobernador.
Pinasalamatan rin ni Fernando si Senador Bato sa pangunguna sa programa sa kabila ng hindi nito maayos na kalagayan matapos magkaroon ng aksidente sa motor noong nakalipas na araw.
Dumalo rin sa pagdiriwang sina National Historical Commission of the Philippines Nanunuparang Patnugot Tagapagganap Carminda Arevalo; PB Gen. Rhodel Semonia; Nanunuparang Bise Gob. Erlene Luz Dela Cruz; mga Bokal Bernardo Ople, Jr., Allan Andan, Emelita Viceo, Romina Fermin at Alexis Castro; Kinatawan ng Ikalawang Distrito Gavini Pancho; mga Punong Lungsod Gilbert Gatchalian ng Lungsod ng Malolos, Punong Bayan Ambrosio Cruz, Jr. ng Guiguinto, Maritz Ochoa-Montejo ng Pulilan, at Mary Ann Marcos ng Paombong.
Naging posible ang pagdiriwang na naka-angkla sa temang “Unang Republika Filipina: Pundasyon sa Pagpapatatag ng Bansa” sa pagtutulungan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Pamahalaang Lungsod ng Malolos.