“Inirefer ko na lang po sa aming legal…”
Ito ang maigsing sagot ni Dinalupihan Mayor Gila Garcia kaugnay sa pinag-uusapang mga video posts sa Facebook ng isang negosyante na gumamit ng hindi kaaya-ayang mga salita laban sa alkalde at kapamilya nito, at iba pang ahensya sa Bataan kabilang ang ilang personalidad sa lokal na hudikatura.
Ayon pa kay Mayor Garcia, inuuna muna niya ang aniya’y mga mas importanteng mga isyu at problema ng kanyang bayan at ng bansa kagaya ng pananalasa ng ASF o African Swine Fever at ang ibayong kampanya at pag-iingat laban sa sakit na coronavirus o COVID-19, kaysa pagtuunan ng pansin ito.
“Marami po tayong mga proyekto at programa katuwang ang ating mga kasamahan sa 1Bataan Family, kaalyado at kapwa lingkod bayan para mapaunlad at maibigay ang pangangailangan ng ating mga kababayan at kalalawigan,” dagdag pa ng Alkalde.
Nitong Lunes ay nagdiwang ng kaniyang Kaarawan si Mayor Gila (tawag sa kanya ng karamihan) sa Bulwagan ng Bayan ng Dinalupihan kung saan dumalo ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, kaibigan, kaanak at mga kapwa niya lingkod bayan.
Si Mayor Gila ay nasa ikatlong termino na bilang Mayor ng Dinalupihan at isa siya sa mga ikinukunsidera bilang kahalili ni Bataan Governor Abet Garcia na nasa ikatlong termino na rin ng panunungkulan bilang Punong Lalawigan.
Tinalakay din sa isinagawang news briefing with Bataan newsmen ang ilang isyu sa lokal na pulitika ng Bataan.
Ang negosyanteng basher ay dati nang nadakip sa kasong cyber libel sa Angeles City, Pampanga nitong Enero 2020 at may iba pang kinakaharap na mga kasong kriminal.