LUNGSOD NG MALOLOS, Pebrero 21 (PIA) — Palalakasin ng kapulisan ang pagpapatupad ng mga programa nito kontra insurehensiya sa Bulacan.
Sa kanyang mensahe sa katatapos na joint meeting ng Provincial Peace and Order Council at Provincial Anti-Drug Abuse Council, sinabi ni Police Regional Director PBGen. Rhodel Sermonia na layunin ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo o KKDAT na makapagsagawa ng mga panayam o forum na kalaunan ay magreresulta sa pagtatatag ng mga kabataang grupo na yayakap sa idelohiya ng kabayanihan, pagka-makabayan, kusang loob, malasakit at pakikipag-kapwa tao.
Isa rin itong istratehiya upang hindi mahikayat ang mga kabataan na sumapi sa mga makakaliwang grupo.
Ang Joint Industrial Peace Concerns Office o JIPCO, sa kabilang banda, ay mekanismo ng kapulisan upang tulungan ang Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry at Philippine Economic Zone Authority na tiyaking naigagalang ang lahat ng karapatan ng mga manggagawa at mapangalagaan ang seguridad ng lahat ng mamumuhunan sa bansa.
Ito rin ang pampigil ng kapulisan upang hindi mapasukan ng mga makakaliwang grupo ang anumang usapin sa paggawa sa loob ng mga kumpanya.
Tiniyak naman ni Sermonia na igagalang nila ang anumang legal na unyon ng mga manggagawa, basta’t ito ay nagtataguyod ng progresibo at maayos na relasyon sa pagitan ng mga employers at mga mangagawa.
Samantala, ang Kaligkasan o Kaligtasan at Kalikasan ay programa ng kapulisan sa tukoy na mga destinasyon ng mga turista.
Dinisenyo ito upang mapangalagaan ang mga katutubo na hindi maimpluwensiyahan ng mga makakaliwang grupo.
Sentro rin nitong programa ang pagtulong ng kapulisan na mapangalagaan ang kalikasan gaya ng malawakang rehabilitasyon ng Manila Bay, pagpapabuti ng kasanayan ng mga tourist police at pagtiyak ng seguridad ng mga destinasyon ng mga turista.
Inihahatid naman ng kapulisan sa Expanded Caravan ang mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga barangay.
Partikular dito ang pagdadaos ng mga medical mission, pamamahagi ng mga libreng gamot at iba pang pangunahing serbisyo.