3 tulak timbog sa P4.2M shabu

Tatlong hinihinalang mga kilabot na tulak ng ipinagbabawal na gamot ang naaresto ng mga operatiba ng Balagtas Police Drug Enforcement Unit at nakumpiska sa pag-iingat ng mga ito ang P4.2 milyong halaga ng shabu sa ikinasang drug operation Huwebes ng gabi sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan.

Kinilala ni PCol. Lawrence Cajipe, Bulacan Police acting provincial director ang mga naaresto na sina  John Carlo Villanobos, residente ng Olongapo City;  Renie Boy Cahanding at Ely Buenaventura, kapwa residente ng Subic, Zambales at pawang mga kabilang sa PNP/PDEA watch list.

Base sa panimulang imbestigasyon, ang mga suspek ay nadakip bandang alas-9:50 ng gabi sa aktong nagbebenta ng ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa isang liblib na lugar sakop ng National Irrigation Administration (NIA) Road sa Barangay Santol ng nabanggit na bayan.

Ayon kay PMaj. Ronnie Pascua, hepe ng Balagtas PNP, nasamsam sa mga suspek ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 622 gramo at nagkakahalaga ng P4,233,000.00.

Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay resulta ng isang impormasyon na mayroong mga kalalakihan sa nabanggit na lugar na kahina-hinalang nagbebenta ng droga kaya agad na ikinasa ang buy bust operation.

Samantala, apat pang mga drug suspek ang nadakip naman sa magkakahiwalay na operasyon sa  City of San Jose del Monte, City of Malolos at Guiguinto Police Stations na kinilalang sina  Gerald Madera; Michael Felisilda;  Kevin John Rivera at Michael Sakay.

Narekober sa mga ito ang sampung sachet ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews