Patuloy ang pagdagsa ng mga biyaya sa mga naging biktima ng sunog sa Barangay Pantalang Bago, Orani, Bataan.
Nitong Biernes ay dumating ang tulong mula sa LOVE TERI Foundation Inc. ni dating Provincial Board Member at showbiz personality na si Dexter “Teri Onor” Dominguez.
Sinamahan si “Bokal Teri” ni Orani Mayor Efren Pascual Jr. at personal na binisita ang lugar ng mga kabahayang nasunog noong madaling araw ng Mierkoles.
“Ito po ay taus pusong pagdamay ng LOVE TERI sa ating mga kababayang nasunugan…Kami po ay handang tumulong hangga’t kaya ay gagawin at gagawin po namin ito,” pahayag ni Bokal Teri.
Nauna rito ay nagbigay din ng kani-kanilang tulong sila Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, Hermosa Mayor Jopet Inton, Mulawin Punong Barangay Marvin Dela Cruz at iba pang personalidad.
Si Dominguez ay kasalukuyang provincial consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan.
Nitong ng mga nakalipas na buwan simula ng kanyang huling termino bilang bokal ay nakasungkit siya ng pondo mula sa pamahalaang nasyonal at naitayo ang mga bagong school buildings sa bayan ng Abucay pati na sa iba pang bayan sa Bataan.
Nitong nagdaang araw ng Linggo sa bayan ng Abucay ay naghiyawan ang mga kababaihang myembro ng Kababaihan ng Bataan Tungo sa Kaunlaran o KABAKA nang magbiro ang GMA Network actor na si Wendell Ramos tungkol sa planong pampulitika ni Bokal Teri sa susunod na eleksyon sa 2022.
“Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon na maging Mayor ng Abucay si Teri Onor?!,” sambit pa ng aktor.
Si Dominguez ay nagsilbi muna sa bayan ng Abucay bilang vice mayor bago tumakbong bokal sa Unang Distrito ng Bataan at natapos ang tatlong termino nitong nagdaang Hunyo 2019.