CCP on Wheels, umaarangkada ng mga pagtatanghal sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sunud-sunod na bumiyahe sa Bulacan ang CCP on Wheels ng Cultural Center of the Philippines o CCP na nagsagawa ng iba’t ibang pagtatanghal sa lungsod ng Malolos at mga bayan ng Bocaue at Pulilan. 

Bahagi ito ng isang taong pagdiriwang ng Ika-50 Ginintuang Taong Anibersaryo ng pagkakatatag ng CCP mula Setyembre 2019 hanggang Setyembre 2020. 

Sa isang pagbisita sa Bulacan, sinabi ni Arsenio Lizaso na Pangulo ng CCP at siya ring tagapangulo ng NCCA, na hindi eksklusibo sa mga mayayaman ang sining kaya lumalabas ng CCP ang mga nagtatanghal.

Pinakabago rito ang gaganaping “Kabataang Gitarista” na libreng mapapanood sa darating na Marso 11, 2020 sa Nicanor Abelardo Auditorium ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center, sa bakuran ng Kapitolyo sa lungsod ng Malolos. 

Kamakailan lang ay libu-libong mga Bulakenyo ang dumagsa sa libre ring pagtatanghal ng Philippine Philharmonic Orchestra ng CCP sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos. 

Naulit pa ito sa bayan ng Bocaue kung saan kabilang si Mayor Joni Villanueva Tugna, na isang mang-aawit, na sinaliwan ng mga tugtugin nitong orchestra.

Sa Pulilan naman, muling itinanghal ang “Pagbabalik Tanaw sa Unang Hari ng Balagtasan” na nagtatampok sa buhay at pamanang sining ni Jose Corazon De Jesus na kilala bilang si “Huseng Batute.”

Nauna nang itinanghal ito sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa Malolos sa pagdiriwang ng kanyang Ika-123 Taong Anibersaryo ng kanyang kapanganakan. 

Kaugnay nito, hinikayat din ni Lizaso ang sinumang samahan sa Bulacan, maging sa iba pang panig ng Pilipinas, na maaring imbitahan nang libre ang mga tagapagtanghal ng CCP mula sa Philippine Philharmonic Orchestra at Bayanihan Philippine National Folk Dance Company basta’t may tatlong libong bilang ng mga manonood. 

Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office, ang Pangulo ng CCP dahil hindi aniya nito nakakalimutang lumingon sa sariling lalawigan sa pagpapalaganap ng sining at kalinangan. 

Si Lizaso ay tubong Santa Maria na dating nagtitinda ng pandesal, papsikel at komiks noong siya’y nag-aaral sa Santa Maria High School. Naging batikang direktor ng pelikula hanggang maging pangulo ng CCP. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews