Umabot sa 703 personal hygiene kits ang naipamahagi sa loob ng Bataan District Jail (BDJ) para sa mga Persons Deprived of Liberties o PDLs.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Jail Warden, Lt. Col. Neil Subibi, ito ay para matiyak ang seguridad sa kalusugan ng mga PDLs sa loob ng panlalawigang piitan.
Aniya, ang ipinamigay na personal hygiene kits ay mula kay Bataan Governor Abet Garcia.
“Nagpapatupad na kami ngayon ng ‘inside jail quarantine’ upang hindi kami mapasok ng coronavirus,” pahayag ni Subibi sa panayam ng media.
Sa ipinatutupad na sistema ay hindi na muna pinapayagang makalabas ang skeletal force na nasa loob ng BDJ compound sa panahon ng umiiral na Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ) habang ang iba namang pwersa ng mga jail guards at staff ay nasa labas para sila naman ang gumawa ng mga pangangailangan ng mga nasa loob.
Nagbuo rin ang BJMP ng Quick Response Team para sa mga emergency situations at matiyak ang agarang serbisyo.
Sa kasalukuyan ay nananatiling suspendido ang visiting hours o pagdalaw ng mga kaanak ng mga PDLs upang matiyak na hindi mapasok ng coronavirus ang loob ng BDJ facilities. (Photos from Rod Izon and Danny Cumilang)