Palitan ng pamunuan ng 7ID, tuloy sa kabila ng banta ng COVID-19

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija  (PIA) — Natuloy ang palitan ng pamunuan ng 7th Infantry Division o 7ID sa kabila ng banta ng coronavirus disease o COVID-19. 

Ito ay idinaos sa Kaugnay Officers’ Clubhouse sa Fort Magsaysay sa pamamagitan ng video teleconferencing o VTC. 

Si Brigadier General Alfredo Rosario, Jr. ang naupo bilang bagong kumander ng 7ID na humalili sa pagreretiro ni Major General Lenard Agustin na nagsilbi ng humigit isang taong pamumuno sa dibisyon. 

Hindi kagaya ng tradisyunal na palitan ng pamunuan ay walang isinagawang testimonial parade at review sa nagretirong kumander gayunpaman ito ay sinaksihan ng ilang mga opisyal ng hanay at mga piling kamag-anak na sinigurong may mga suot na face mask at tumugon sa mga protokol kontra COVID-19. 

Nagsilbi pa ding Presiding General Officer sa naturang seremonya si Philippine Army Commanding General Lieutenant General Gilbert Gapay na siya ding naging panauhing tagapagsalita sa pamamagitan ng VTC mula sa Philippine Army Headquarters sa Fort Bonifacio, Metro Manila.

Sa mensahe ni Agustin ay kanyang binibigyang halaga ang naging pagkakataong pamunuan, pagsilbihan at makatrabaho ang mga magigiting na kasundaluhan at opisyales ng 7ID.

Kabilang sa mga programang pinangasiwaan ni Agustin ay ang “Kaugnay sa Kapayapaan” na nagresulta sa pagkakabuwag ng Kilusang Larangang Gerilya Caraballo sa Gitnang Luzon gayundin ang pagsuko nang 1,075 miyembro ng mga rebeldeng grupo. 

Samantala ay nanawagan ng patuloy na pagkakaisa tungo sa kapayapaang nais ng gobyerno ang hiling ng bagong kumander ng 7ID. 

Pahayag ni Rosario, sa panahon ngayon ay hindi pangkaraniwan ang trabaho ng mga kasundaluhan kung kaya’t mahalagang panatilihing malusog ang pangangatawan gayundin ng buong pamilya upang magampanan ng maayos ang tungkuling pagtulong sa mga nasasakupan. 

Partikular aniya ay maging mabisang katuwang ng gobyerno na mapagtagumpayan ang laban kontra sa sakit na COVID-19. 

Sa kaniyang pagbalik sa 7ID ay naupo bilang ika-29 na kumander si Rosario na dati ring nagsilbi bilang Chief of Staff ng nasabing dibisyon. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews