TALAVERA, Nueva Ecija — Hinihikayat ng pamahalaang bayan ng Talavera ang mga mamamayan nito na magtanim ng gulay sa bakuran ng tahanan.
Ayon kay Mayor Nerivi Santos-Martinez, hindi tiyak kung kailan matatapos ang krisis na nararanasan dahil sa coronavirus disease kung kaya’t kailangang magtanim ng gulay upang matiyak na hindi magugutom ang pamilya.
Sa pagtatanim naman aniya ay maaaring gumamit ng mga plastik na bote o alinmang recycled materials kung walang lupa o espasyo sa bakuran.
Kaugnay nito ay kanyang inatasan ang Municipal Agriculture Office o MAO sa pamamahagi ng mga buto ng gulay sa 53 barangay na nasasakupan upang paigtingin ang naumpisahang programang Gulayan sa Bakuran at Barangay.
Ayon sa MAO, kabilang sa mga ipinamamahaging buto ng gulay ay petchay na wala pang isang buwan ang hihintayin para umani, gayundin ang seedlings ng sitaw na inaani makalipas ang 45 araw.
Mayroon ding ibinibigay na buto ng mustasa, kamatis, talong at okra.
Para sa mga nais pang makahingi ng buto ng gulay o kaya ay may katanungan ay maaaring sumadya sa mismong opisina ng MAO o kaya ay tumawag sa himpilang (044) 958-3835 at 0956-611-7877.