Talavera, magbibigay ng ayuda sa mga apektado ng ECQ

TALAVERA, Nueva Ecija — Nasa 7,000 tricycle, jeepney drivers at mga frontline workers ng barangay ang bibigyan ng tulong pinansiyal ng pamahalaang bayan ng Talavera.

Ayon sa anunsiyo ni Mayor Nerivi Santos-Martinez sa kaniyang social media post ay magsisimula bukas, Abril 4 ang pamimigay ayuda na tig-isang libong piso mula sa pamahalaang lokal dahil sa nararanasang krisis sa coronavirus disease.

Kaniyang paglilinaw, bukod pa ito sa Social Amelioration Program o SAP na tatanggapin mula sa pamahalaang nasyonal. 

Ipinanawagan din ng alkalde na habang hinihintay ang mga panuntunan sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ilalim ng SAP ay iwasan ang mga paninira at kani-kaniyang interpretasyon sa programa at sa pamahalaan. 

Pahayag ni Martinez, ginagawa ng pamahalaaang lokal at nasyonal ang lahat para matulungan ang mga kababayang nangangailangan. 

Samantala, bukod sa tulong pinansiyal mula sa lokalidad ay patuloy ang pamamahagi ng mga relief packages at mga buto ng gulay sa mga nasasakupan sa barangay. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews