BALANGA CITY – – Inihalintulad ni Bataan Gobernador Albert S. Garcia ang kabayanihan ng mga frontliners at health workers ngayong panahon ng COVID-19 pandemic sa kagitingan ng mga kawal na Pilipinong nagtanggol ng ating kalayaan noong ikalawang digmaang pandaigdig sa paggunita ng ika-78th Araw ng Kagitingan (Bataan Day) ngayong taon.
Sa kanyang press statement ay sinabi rin ng Gobernador na ang tagumpay ng sambayanan laban sa COVID-19 ay magsisilbing Ikalawang Araw ng Kagitingan at parangal sa “bagong henerasyon ng mga Bataeño. Magiting. Matatag ang loob. Mapagkalinga sa isa’t isa. Matibay ang pananalig sa Diyos. Katulad ng mga bayani sa ating kasaysayan.”
Paliwanag ni Gob. Garcia, “kung ating ihahambing ang sitwasyon ngayon, ang mga health workers sa mga ospital ang ating last line of defense laban sa Covid 19. Tayo sa mga pamayanan ang nasa front lines. Tungkulin nating pabagalin o pahintuin ang pagdami ng mga nahahawahan ng Covid-19 nang sa gayo’y hindi humigit sa dami ng kanilang kayang asikasuhin ang mga pasyenteng kanilang gagamutin sa mga ospital.”
“Sa Bataan itinatag ang last line of defense. Ang nasa “front lines” ay ang mga tropa at gerilya sa mga daan patungo sa Bataan. Tungkulin nilang pabagalin ang pag-abante ng kaaway sa pamamagitan ng pakikipaglaban, paglalagay ng mga barikada sa mga lansangan at bukid.”
Nagbahagi din ang gobernador ng aral mula sa kasaysayan ng Bataan na siya rin nating isinasabuhay sa panahong ito ng Coronavirus.
Ayon sa kanya, “Ang gyera ay naipapanalo di lamang ng mga sundalo kundi ng buong sambayanan. Ganoon din ang sitwasyon ngayon. Kailangan po nating tulungan ang ating mga bagong bayani: mga duktor, nars at ibang health workers na nagbubuwis ng buhay upang gamutin ang mga dinapuan ng virus sa ating lalawigan.
Binigyang-diin ni Gob. Garcia na “sa panahon ng kapayapaan kailangan nating magka-isa, lalo’t higit sa panahon ng digmaan. Ang pagpuksa sa Coronavirus ay laban nating lahat.”
Sa pagtatapos, hinikayat ni Gob. Garcia ang lahat na iwaksi ang pangamba. “Sama-sama, nating malalampasan ang pagsubok na ito.”