LUNGSOD NG PALAYAN — Patuloy ang pamamahagi ng pamahalaang lungsod ng Palayan ng tatlong libong pisong tulong pinansiyal, mga gulay at iba pang pagkain sa bawat pamilyang nasasakupan.
Ayon kay Mayor Adrianne Mae Cuevas, layunin nila na maabot ang lahat ng mamamayan sa 19 barangay upang matulungan sa kinahaharap na krisis dulot ng coronavirus disease o COVID-19 pandemic.
Simula pa noong nakaraang Miyerkules ay nagsimulang tumungo ang mga kawani ng lokal na pamahalaan upang maghatid ng agapay sa mga barangay.
Kaniyang paglilinaw, iba ang tulong pinansiyal ng pamahalaang lungsod sa tatanggaping tulong mula sa mga ahensya ng gobyerno nasyonal tulad sa Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development.
Ang mahigpit lamang na paalala ng alkalde ay gugulin sa wasto gaya sa pagkain ang mga tinatanggap na cash assistance mula sa gobyerno.
Kaugnay nito ay kaniyang ibinalita na may sampung indibidwal ang nahuli at nakasuhan dahil sa pagsusugal gamit ang mga ibinigay na tulong pinansiyal ng tanggapan.
Binalaanan naman aniya ng mga kapulisan ang mga sangkot na indibidwal sa verbal abuse sa ilang opisyales sa siyudad.
Muling pakiusap ni Cuevas, panatilihin ang social distancing sa mga pampublikong lugar sa lungsod partikular sa mga pamilihan gayundin sa pamamahagi ng tulong sa mga barangay upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19.