Tiniyak ni Bataan District Jail (BDJ) Warden, Lt. Col. Neil Subibi ang pananatili o status quo ng ipinaiiral na total lockdown sa naturang panlalawigang piitan na pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Hanggang ngayon ay nananatiling COVID-19 free ang BDJ sa kabila nang nasa bisinidad lamang ito malapit sa Bataan People’s Center na ginawang isolation areas, at ang Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) kung saan naitala ang pinaka maraming kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa lalawigan.
“Nanatili tayong nakalockdown. Ito po ay para mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga bilanggo pati na ang ating mga personnel dito sa pinoproblema nating pangkalusugan ang tinatawag nating Covid-19,” pagtitiyak ni Warden Subibi sa panayam ng mga mamamahayag.
Sa ipinapatupad na lockdown sa BDJ, ay hindi pwedeng umuwi ang mga BJMP personnel na naka duty sa loob ng naturang piitan habang ang mga nasa labas naman na personnel ay hindi pwedeng pumasok sa loob.
Ayon pa kay Lt. Col. Subibi, bawat personnel ng BJMP ay may kanya kanyang assignment kahit na nakalockdown ang karamihan sa kanila bilang pagsunod sa kanilang mga superiors sa BJMP.
Maging ang mga nakasuhan na nakatakda sanang makulong sa BDJ ay pansamanatalang sa mga lokal o mga municipal jail facilities muna nakapiit habang ipinaiiral ang enhanced community quarantine sa maraming bahagi ng Luzon at iba pang lugar sa bansa.
Sa ngayon, ayon sa Bataan PHO, ay nasa 89 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa buong Bataan habang 4 na ang naitalang pumanaw na at 20 naman ang gumaling o nakarekober na.