BALANGA CITY – Isinusulong ngayon ni Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique “Joet” Garcia III ang isang panukalang batas kontra sa pagpapakalat ng fake news.
Sa ginawang video conference sa mga local reporters ng Bataan gamit ang Zoom app noong nakaraang Hueves ay tinalakay ni Congressman Garcia ang mga latest House Bills na kanyang naisumite sa House of Representatives.
Isa na rito ang House Bill no. 2278 o ang “Anti- Falsehoods and Manipulations Act of 2019.”
Ayon kay “Cong. Joet,” binago na ng modernong teknolohiya ang sistema ng paghahatid ng impormasyon at pagbabalita.
Sa kasalukuyan, ayon sa mga latest research, nadaig na ng social media sites gaya ng Facebook ang tradisyonal na radyo at mga pahayagan bilang source ng mga balita. Beinte uno o 21% ng mga adult Filipinos o 13.9 milyong tao sa bansa ang nagbabasa ng mga latest news o mga balita gamit ang Facebook app.
Dahil sa bilis aniya ng pagpapakalat ng impormasyon o balita gamit ang digital format o internet, ay madalas gamitin ito ng ilang grupo o indibidwal na may ibang pakay gaya nang pagpapakalat ng maling balita, impormasyon, black propaganda o mas kilala sa tawag ngayon na “fake news” para siraan ang reputasyon ng isang indibidwal, grupo o negosyo para sa pansariling kapakinabangan.
Isa ang Pilipinas sa nangunguna pagdating sa world internet usage kung saan, 10 oras umano ang ginugugol ng isang Pilipino sa pagsa-surf sa internet.
Ayon kay Rep. Garcia, panahon na para sundan ng Pilipinas ang mga naging hakbang ng mga bansang nagpasa ng batas kontra fake news. Sa ASEAN Region ang mga bansang Cambodia, Bangladesh, Malaysia, Myanmar, Singapore, Vietnam at Thailand ay may kani-kanyang mga batas na na nagbabawal at nagpapataw ng parusa sa mga nagpapakalat ng misinformation, fake news at false information.
“Ang pagkalat ng fake news ay malaking threat o banta sa authentic journalism. Dapat mapigilan ang pagkalat ng maling impormasyon lalo na ngayong pamahon ng matinding banta sa kalusugan hatid ng panganib ng Covid-19. At para protektahan ang mga inosente lalo na ang mga kabataan sa adverse effects ng mga maling impormasyon,” pahayag pa ni Garcia.