Nananatiling mahigpit ang quarantine control point sa bahaging ito ng JJ Linao Road sa bayan ng Bagac kaugnay ng umiiral na modified enhanced community quarantine sa Bataan.
Pero kumpara noong nasa ilalim pa ng ECQ, mas maluwag na nang kaunti dahil nakakapasok na ang mga delivery trucks lalo na ang may dalang construction materials at iba pang essential goods.
“Sa kasalukuyan mahigpit pa rin kami, which is naging effective naman, hindi kami dinapuan ng Covid-19, kung anuman ang ipag utos ng national IATF susunod kami doon pero strict compliance pa rin kami, hindi basta makakapasok kung walang proper documents kaya pinaiiral namin ang escort system,” pahayag ni Mayor Ramil Del Rosario.
Sa naturang sistema ay may escort na Bagac Marshal o PNP personnel para matiyak na walang ibang pupuntahang lugar ang mga delivery trucks at iba pang sasakyan na papasok dito.
Nananatili ring sarado ang mga tourist spots sa Bagac at mahigpit na ipinagbabawal ang pamamasyal dito ng mga turista’t mga dayuhan.
Nagpasalamat din si Mayor Del Rosario sa kanyang mga kapwa lingkod bayan lalo na ang Bagac SB sa pamumuno ni Vice Mayor Ron Del Rosario at SB Members, at mga punong barangay sa pakikiisa sa mga ipinatutupad na strict protocols para manatiling Covid-free ang kanilang bayan.
Ayon kay Bagac Municipal Administrator Nick Ancheta, patuloy nilang sinisinop ang mga gastusin ng LGU para makaagapay sa pagbibigay tulong sa mamamayan ng Bagac habang nasa gitna ng krisis ang bansa dala ng coronavirus pandemic.