LUNGSOD NG MALOLOS — Naglaan ng 11.8 milyong dolyar ang Philippine Business for Social Progress o PBSP, sa pamamagitan ng ACCESS TB Project, bilang kontribusyon sa paglaban ng bansa sa coronavirus disease o COVID-19.
Sa katatapos na “Business-not-as-usual” webinar, inilahad ni PBSP ACCESS TB Project Program Manager Arnyl Araneta na nagmula ang naturang pondo sa 10 porsyentong bahagi ng kabuuang 118.5 milyong dolyar na ayuda ng United States Agency for International Development o USAID para sa mga programa upang pagalingin ang mga pasyenteng may tuberculosis o TB.
Ipinaliwanag ni Araneta na ang naturang alokasyon ay makakatulong upang proteksyunan laban sa COVID-19 ang mga nangangalaga sa may TB at mismong pasyente nito.
2.4 milyong dolyar dito ay inilaan na pambili ng mga personal protective equipment habang 1.1 milyong dolyar para sa mga biosafety cabinet.
Linaanan din ng pondo ang para sa hazard pay, mga fit testing kit, Xpert Machines at ibang gastusin.
Sa Bulacan, inilahad ni Provincial Health Office o PHO Head Jocelyn Gomez na may isang unit ng biosafety cabinet ang ipagkakaloob mula sa nasabing pondo.
Tiniyak din niya na patuloy ang pagpapatupad ng mga public health programs sa lalawigan partikular na ang pagpapagaling sa mga may TB kahit ngayong may pandemya.
Sinusunod aniya ng PHO ang mga itinakdang minimum health standards ng Department of Health.
Sa kasalukuyan, ipinahahatid na ng PHO, sa pamamagitan ng mga city at municipal health offices, ang mga gamot sa tirahan ng mismong pasyenteng may TB upang hindi na sumadya sa mga Directly Observed Treatment Short-course o DOTS Center ngayong bawal lumabas dahil sa umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine. Layunin nito na hindi maputol ang gamutan.