DINALUPIHAN, Bataan — Nagsagawa ng libreng medical check-up nitong Lunes ang pamahalaang bayan ng Dinalupihan para sa mga namamasada ng de-padyak at miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association o TODA matapos silang payagang magbalik pasada sa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ.
Ayon kay Mayor Maria Angela Garcia, nasa 2,500 drivers ang binigyan ng attensyong medikal sa pamamagitan ng X-ray, electrocardiogram o ECG, at iba pang laboratory tests na isinagawa nang libre. Ang iba namang may kailangang ipagamot ay ipinasangguni sa Municipal Social Welfare and Development Office.
Ani ni Garcia, bago pa man din ang pagsisimula ng GCQ ay pinulong na ng pamahalaang bayan ang mga pangulo ng 16 na TODA at dalawang grupo ng de-padyak kung saan ipinaliwanag sa kanila ang ilan sa mga protocols na dapat sundin upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga drivers at pasahero sa pagbabalik pasada.
Mahigpit na ipapatupad ang number coding scheme na ang lahat ng may body numbers na nagtatapos sa 1, 2, 3, 4 at 5 ay pinapayagang mamasada tuwing mga araw lamang ng Lunes, Martes at Miyerkules.
Para naman sa mga may boby numbers na nagtatapos sa 6, 7, 8, 9 at 0, tuwing mga araw lamang ng Huwebes, Biyernes at Sabado ang kanilang pamamasada. Ang lahat ay papayagang makapamasada sa araw ng Linggo.
Bibigyan ang bawat driver ng hygiene packs na maglalaman ng tatlong piraso ng sabon na panghugas ng kamay, tatlong pakete ng sabong panlaba at 500ml na disinfectant.
Dagdag ni Garcia, dahil ang mga drivers ay kabilang sa working sector na frontliners, sila ay isasama sa mga imomonitor ng Barangay Health Emergency Response Team.
Magkakaroon din ng Daily Passenger Book ang bawat tricycle at de-padyak kung saan ang mga pasaherong sasakay ay dapat pumirma bago makabiyahe para sa contact tracing kung kakailanganin.
Para sa kalusugan, seguridad at proteksyon ng lahat, mahigpit na pinapayuhan ni Garcia ang kanyang nasasakupan na tangkilikin lamang ang mga de-padyak at tricycles na may permit at Health ID card.