LUNGSOD NG CABANATUAN — Tututukan ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija at Philippine Carabao Center o PCC ang pagpapalago ng dairy industry.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, inaasikaso na nila ang pagbuo ng kasunduan sa PCC na layuning mai-angat ang antas ng mga aning produkto mula sa kalabaw.
Aniya, tutulong ang kapitolyo sa pagbili ng mga kailangang makinarya upang mapaganda at magkaroon ng sariling anyo o branding ang mga inaaning gatas ng kalabaw sa Nueva Ecija.
Sa pamamagitan ng mga bibilhing makinarya ay mapo-proseso na ang mga gatas na layong mapaunlad ang kalidad at makasabay sa merkado nang hindi agad nasisira o napapanis na kadalasang tumatagal lamang ng isang linggo.
Pahayag ng gobernador, mahalaga ang merkado at turismo upang matulungan ang mga magsasaka sa Nueva Ecija na mapalakas ang produkto gayundin ay magkaroon ng tuloy-tuloy na hanapbuhay.
Kailangan aniya ang sama-samang pagtutulungan at damayan upang maipadama ang malasakit sa mga nangangailangang magsasaka sa lalawigan.
Kaniya ding binibigyang halaga ang gampanin ng mga magsasaka na maghahatid ng bagong pag-asa at tutulong sa bansa upang makabangon mula sa krisis dulot ng COVID-19.