304 pang pamilya sa Bayabas sa DRT, napagkalooban ng ESP

DONYA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan — May 304 pamilya sa bulubunduking barangay ng Bayabas sa bayan ng Donya Remedios Trinidad ang tumanggap ng ayuda sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, sila ang mga pamilyang na “left-out” o hindi nakasama na mabigyan sa unang tranche.

Kabilang sila sa mga inapela ng pamahalaang bayan na isinailalim sa masusing pagsusuri ng DSWD. 

Tatlong lebel ng pagsusuri ang pinagdaanan bago tuluyang aprubahan ng ahensya ang mga pamilyang inihabol na mabigyan ng ESP. 

Una na riyan ang listahan na mula sa pamahalaang bayan kung saan tinukoy ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO kung sinu-sinong pamilya ang pinaka-naapektuhan ng mga ipinatupad na community quarantine.

Mula rito, ang inirerekomendang listahan ng MSWDO ay susuriin ng DSWD Regional Office upang makita kung may duplikasyon o nakatanggap na ng iba pang ayuda sa ibang ahensya ng pamahalaan. 

Binigyang diin ni Maristela na ang ESP ay isa lamang sa maraming uri ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP na ipinagkakaloob alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. 

Hindi aniya maaring makatanggap ng ESP ang nakatanggap na ng iba pang uri ng ayuda sa ilalim ng SAP gaya halimbawa ng mula sa Department of Agriculture, Department of Labor and Employment at Department of Finance-Social Security System. 

Kaya’t mula DSWD Regional Office, iaakyat ang nasuri na listahan sa Central Office upang muling masuri at tuluyang maaprubahan. 

Ayon kay Undersecretary Mark Allen Yambao, inuna ng DSWD na pagkalooban ang mga karagdagang benepisyaryo sa Donya Remedios Trinidad dahil isa itong Geographically Isolated and Depressed Area sa pamantayan ng ahensya. 

Bagama’t isang first class municipality, malayo ito sa mga logistic at remittance centers.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews